June 16 2023
Kabuwanan ni Rosemarie Marquez sa ika-10 niyang anak nang lumikas siya kasama ang kanyang pamilya dahil sa naitalang volcanic activity ng Mayon.
Pansamantala silang tumutuloy sa modular tent sa Camalig Evacuation Center sa Camalig, Albay. Bitbit niya dito ang mga gamit ng isisilang na sanggol.
Hindi na bago kay Rosemarie ang karanasan ito dahil nag-aalboroto rin ang Mayon noong isinilang niya ang kanyang ika-apat na anak na si Maria Camille noong 2006.
Dagdag pa ni Rosemarie na kung babae ang isisilang niyang sanggol, papangalanan niya itong Princess Magayon.
"Pauwiin na sana kami, bumalik kami kasi 'yung binubuntis ko, lalabas na 'yun noon. Pagkapanganak ko, uuwi na naman kami," paggunita niya.
Hindi siya makapagtinda ngayon ng pangat na gabi kaya ang asawa niyang si Roger ang nagtatrabaho sa bukid.
Nag-aalala ang mga internally displaced persons o IDP tulad nina Rosemarie na baka umabot sila ng tatlong buwan sa evacuation center hanggang hindi kumakalma ang bulkan.
"May one to two families with more or less seven individuals. Usually 'yung nasa loob ng tent po, bata at matatanda. 'Pag hindi po kasya, 'yung mga head of the family, 'yung tatay naghahanap sila ng kumportableng space," paliwanag ni Badette Abundo, project development officer II ng DSWD Camalig, Albay tungkol sa sitwasyon sa evacuation center.
Sa ilalim ng Operation Bayanihan, nakapaghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa munisipalidad ng Sto. Domingo, Malilipot, Camalig at Tabaco, Albay.
Umabot sa 12,500 katao ang naserbisyuhan dito ng GMA Kapuso Foundation.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan sa Albay ang Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command, Philippine Army 9th Infantry Division, Philippine National Police, at Sogo Cares by Hotel Sogo.
Patuloy ang pagbibigay ng tulong ng GMA Kapuso Foundation sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Buklang Mayon.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus