GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Malilipot, Albay | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 3,236 residente sa Malilipot, Albay na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Malilipot, Albay

By MARAH RUIZ

Kailangang lumikas ng mga residente ng Barangay San Roque sa Malilipot, Albay dahil pasok ito sa six-kilometer danger zone ngayong nag-aalboroto ang Bulkang Mayon.

"'Yung 60 plus na families, 'yung may mga anak na malilit saka 'yung mga matatanda na, dapat po talaga lumikas sila," paliwanag ni Josefina Biñas, kapitana ng Brgy. San Roque.

Kabilang sa mga lumikas si Rowena Volante na unang beses naranasan ang mag-evacuate sa loob ng limang taong niyang paninirahan sa lugar.

Nag-aalala raw siya para sa mga naiwang hayop sa kanilang tahanan. Nanghihinayang din siya sa kikitaing P200 sa isang linggong paglulubid ng abaca.

Dahil dito, binitbit niya sa evacuation center sa San Jose National High School ang mga abaca na gagawin niyang lubid.

"Para maibenta ko, para may pera po ako na gagamitin dito kapag humuhingi ang mga anak ko," saad ni Rowena.

Pansamantalang tumutuloy sa 15 silid-aralan sa San Jose National High School ang mga pamilyang lumikas.

"'Yung pina-okupa namin sa mga evacuees 'yung mga classroms na ginagamit ng junior high school. 'Yung senior high school [classrooms] ngayon, doon kami gumagawa ng ating face to face classes," pahayag ni Buen Owogwog, principal ng San Jose National High School.

Sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan, nagsagawa ang GMA Kapuso Foundation ng feeding program at naghatid ng food packs, hygiene kits at KN95 masks para sa 3,236 residente sa Malilipot Albay na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang Philippine Army 9th Infantry Divison, Philippine National Police, Police Regional Office 5, Camp BGen Simeon A. Ola sa Legaspi City, Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command, at Gardenia Bakeries Philippines Inc.

Patuloy ang pagbibigay ng tulong ng GMA Kapuso Foundation sa mga apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

 

 

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.