June 06 2023
Patuloy pa rin sa pagtratabaho ang 85 years old na si Bernardo Magante mula sa Angono, Rizal.
Araw-araw siyang nagtutulak ng kariton para magtinda ng biskuwit sa Wawa Park. Sa katunayan, nakunan pa siya ng video kung saan makikitang nakukuba na siya at hirap nang maglakad.
"'Pag ako'y walang hinahawakan ay medyo dispalinghado nang lumakad," kuwento ni Bernardo.
Pinapatigil na siya ng kanyang mga anak sa pagtitinda pero mas nanghihina raw siya kapag sa bahay lang. Kaya naman tuloy siya sa pagtatrabaho at kumukita ng PhP300 kada araw.
Nag-iipon kasi si Bernardo para maipaayos ang kanyang bahay. Butas na ang bubong nito dahil sa kalumaan at may tulo na rin ito tuwing umuulan.
"'Yung bahay ko, 'yung itaas at 'yung sahig ay plywood. Nasisira na rin dahil nasa 30 years na rin ako [dito]," lahad niya.
Ngayong nalalapit na ang Father's Day, hinandugan siya ng iba't ibang tulong ng GMA Kapuso Foundation.
"Ako'y naiiyak. Hindi ko akalain umuntog sa akin ito na ako'y makilala ng GMA," mensahe ni Bernardo.
Ipinasuri siya ng GMA Kapuso Foundation sa isang optometrist.
"Photophobia ang case niya so ang ibibigay ko sa kanya is a double vision lens wherein makakabasa siya sa malayo and malapit," paliwanag ni Dr. Cristy Querido, optometrist sa Clearbridge Medical Philippines.
Bukod dito, dinala rin ng GMA Kapuso Foundation si Bernardo sa isang orthopedic surgeon.
"Noong ni-review ko 'yung x-ray na binigay niyo, may sign ng arthritis both sa knee joint niya and sa spine. Nandoon 'yung mga scelorosis," lahad naman ni Dr. Llorens Laguno, isang orthopedic surgeon.
"Ako'y labis po ang pasasalamat sa GMA Kapuso Foundation dahil ako'y napag-ukulan nila ng pansin," pasasalamat ni Bernardo.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Clearbridge Medical Philippines at nina Dr. Cristy Queridoat Dr. Llorens Laguno.
Nangangailangan pa rin ng tulong si Bernardo para maipagawa ang kanyang bahay.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kanya at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus