8-year-old na may mga katarata, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation
June 03 2023
By MARAH RUIZ
Hirap makakita ang eight-year-old na si Prince mula sa San Nicolas, Pangasinan.
Gamit ang isang kamay, ginagawa niya itong parang telescope para makapagbasa. Bukod sa hirap sa pagbabasa, baliktad din kung magsuot ng damit si Prince.
"Four years old po siya noon, medyo malabo labo na po 'yung mata niya. Noong nag-pandemic, pina-check po namin, sinabi po na ipa-check up po namin siya sa talagang eye center po," bahagi ni Daisy Mae Taberna, nanay ni Prince.
Hindi sapat ang kita ng ama ni Prince na construction worker kaya inilapit nila ang kundisyon ng bata sa GMA Kapuso Foundation.
Pinhole reading ang tawag sa ginagawa ni Prince sa pagte-telescope gamit ang kanyang kamay.
"Ginagawa rin po namin 'yan sa lahat ng pasyente namin. Ang gingawa po noong maliit na butas, binabawasan po niya 'yung amount of light na napupunta sa mata para hindi po saturated ng light 'yung nasa loob ng retina po niya," paliwanag ng opthalmologist na si Dr. Jovito Lorenzo Alvedo E. Duque.
Matapos masuri si Prince, nakitang may katarata siya sa parehong mata na dapat nang operahan.
"Nakita namin may puti agad sa mata po niya. Ang isa po sa mga pinaka common na nakikita natin ay katarata po," lahad ni Dr. Duque tungkol sa kundisyon ni Prince.
"Mama, Papa, salamat po kasi ginagawa niyo pa rin ang lahat para po ma-opera 'yung mata ko," mensahe ni Prince sa mga magulang.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong mula sa Region 1 Medical Center at kay Dr. Jovito Lorenzo Alvedo E. Duque.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Prince at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus