May 23 2023
Mahigit isang buwan nang may bato sa tainga ang eight-year-old na si James mula sa San Nicolas, Pangasinan.
Dahil sa bato, nakararanas siya ng lagnat, sakit ng ulo, at pag-ugong sa kanyang tainga.
Pumasok ang bato sa tainga ni James nang aksidente siyang mahagisan ng kalaro.
Sinubukan daw ni James na tanggalin ito gamit ang cotton buds bago niya sinabi sa kanyang nanay na sinubukan ding tanggalin ang bato gamit ang ear scoop.
Hindi pa rin natanggal ang bato kaya dinala niya ang bata sa health center.
"Lalagyan daw po ng tubig kaso ayaw ko po. Nag-alinlangan po ako, natakot po ako. Wala naman po kaming magawa kasi kapos pa po kami," kuwento ni Maribel Libatique, nanay ni James.
Agad ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation si James sa Region 1 Medical Center.
"Namamaga, puwede na nagkakaroon ng infection sa kanyang ear canal kaya doon nagsisimula na 'yung kanyang paglalagnat at pananakit ng ulo. Kaya naman siyang tanggalin gamit ng irrigation or flushing. Nagpadaan kami ng tubig gamit ang syringe," paliwanag ni Dr. Zachary George Venzon, Medical Officer III sa Deptarment of ENT-HNS sa Region 1 Medical Center.
May paalala rin si Dr. Venzon kung sakaling napasukan ng kahit ano o insekto ang tainga.
"Kapag mga ganito, huwag niyo na po subukan tanggalin kasi lalo pong pumapasok, lalo pong nagagasgas. Ilapit na kaagad siya sa malapit na epesyalista or ENT para sila na po magtatanggal nang mas maayos," lahad ni Dr. Venzon.
"Nagpapasalamat po ako sa GMA Kapuso Foundation at ENT ng Region 1 Medical Center. Masaya na po ako dahil natanggal na po 'yung bato sa tainga ng anak ko," mensahe ni Maribel.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ni Dr. Zachary George Venzon, Region 1 Medical Center, at Selecta Milk.
Matapos matanggal ang bato, kailangan namang gamutin ang ear infection ni James.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay James at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus