May 22 2023
Isa ang Polillo Island sa mga lugar na pinadapa ng super typhoon Karding noong September 2022.
Matindi ang pinsalang tinamo ng Binitbitan Elementary School na limang dekada nang nakatayo ang mga silid-aralan.
Dahil sa kalumaan, marupok na ang mga kahoy at naglalaglagan na. Inaanay na rin ang ilang bahagi nito.
"'Yung isang classroom ay ginagamit pa po sa Grade 6. Nito pong nakalipas, gawa po ng bagyo, napaka mapanganib na po sa mga bata dahil anumang oras puwedeng bumagsak 'yung bubong," pahayag ni Michelle Juntereal, head teacher I sa Binibitinan Elementary School.
Sa school clinic muna nagsisiksikan para sa kanilang mga klase ang grade 6 students.
Papalitan ng GMA Kapuso Foundation ang nasirang classrooms ng dalawang Kapuso-type school building.
"Nakita talaga natin na 'yung structural integrity noong mga classroom is talagang dilapidated na. Hindi na talaga siya suitable sa mga estudyante. Una nating gagawin is kailangan nating i-demolish 'yung existing na mga dilapited classroom," paliwanag ni Engr. Arnel Zantua, supervising engineer ng GMA Kapuso Foundation.
Nagbayanihan naman ang mga magulang ng mga mag-aaral sa pagtibag ng mga lumang silid-aralan.
Sinimulan na ng GMA Kapuso Foundation ang pagpapatayo ng Kapuso School Building na may dalawang classroom at dalawang comfort room sa ilalim ng Kapuso School Development project.
"Ito 'yung unique na methodology ng GMA Kapuso Foundation, kung saan gumagamit tayo ng tinatawag na light gauge steel frames. At saka 'yung ating walling ay puro buhos 'yan simula ilalim hanggang ibabaw kaya napakatibay talaga noong gagawin nating classrooms," lahad ni Engr. Zantua.
"Napaka importante sa atin na maka-provide tayo ng safe environment and classrooms for our children kaya importante talaga na when we build, we build strong," dagdag ni Rikki Escudero-Catibog, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng GMA Kapuso Foundation.
Binigyan din ng GMA Kapuso Foundation ang Binibitinan Elementary School ng vegetable seeds sa ilalim ng Gulayan sa Paaralan project.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Southern Luzon Command; Philippine Army, 2nd Infantry Division, 202nd Infantry Brigade, 51st Engineer Brigade, 564th Engineer Construction Battalion; Cemex Philippines Foundation; Union Galvasteel; Phinma Construction Materials Group; Manila Water Foundation; Super Globe Inc.; Mariwasa Siam Ceramics Inc.; at Hanabishi.
Maraming pang paaralan sa Burdeos, Pollilo Island ang nangangailangan ng tulong matapos tamaan ng super typhoon Karding.
Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa Kapuso School Development project at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus