May 11 2023
Nagbubuhat ng tangke ng gasul o kaya naman sako na may timbang na 25 kilograms, ang 46-year-old na nanay na si Maribel May-ag na mula sa Natonin, Mountain Province.
Kumikita siya ng P3 sa bawat kilo na binubuhat niya bilang isang kargadora.
"Hindi kinaya ng sasakyan kaya dini-deliver namin sa kanilang bahay. Mga 45 minutes, lalakarin namin 'yun," kuwento ni Maribel tungkol sa kaniyang trabaho.
Umeekstra rin siya sa paggawa at pagtitinda ng walis para karagdagang kita para sa pito niyang anak na itinataguyod niyang mag-isa.
"Kahit masakit ang katawan, talagang pinipilit ko para may pambili ng pagkain ang mga bata," pahayag ni Maribel.
Bilang maagang Mother's Day gift para sa kaniya at sa iba pang mga nanay sa Natonin, Mountain Province, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng libreng breast examination at visual inspection with acetic acid.
"'Yung tinatawag po na visual inspection with acetic acid, ito po ay ginagawa pamalit sa pap smear, usually sa mga areas na wala po tayong mga kagamitan. 'Yun po 'yung parang screening ng cervical cancer," paliwanag ni Dr. Precious Grace Amoyen, medical officer IV ng Obstetrics and Gynecology Department.
Hinihikayat niya na sumailalim ang mga kababaihan sa screening para sa cervical cancer para maaga itong ma-diagnose at maagapan.
"Ang cervical cancer, wala pong sintomas or senyales hangang nasa terminal stage na po siya," paliwanag ni Dr. Amoyen.
Sa 140 nanay na ipinasuri, 98% ang negatibo sa sakit na cervical cancer kabilang si Maribel.
"Salamat po sa GMA Kapuso Foundation sa binibigay nilang libreng check up sa amin," mensahe ni Maribel.
Bukod sa libreng medical services na ito, hinandugan rin sila ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, hygiene kits, at vitamins.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Southern Isabela Medical Center, Rural Health Unit ng Natonin, Mountain Province, Selecta Milk, Propan, at Colgate-Palmolive Philippines.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus