May 09 2023
Tatlong buwan na ang nakalipas matapos magsimula ang Give-A-Gift: Feed A Child ng GMA Kapuso Foundation sa General Nakar, Quezon.
Malayo sa dati nilang kondisyon ang six-year-old twins na sina Kyle at Kurl simula noong mapabilang sila sa feeding program.
Bukod sa pagtaas ng kanilang timbang, mas masipag at mas ganado na sila sa pag-aaral.
"Hindi lang 'yung physical aspect ng mga bata 'yung makikita mong nade-develop sa kanila, pati 'yung mental aspect. Dati hindi marunong magsulat, ngayong marunong nang magsulat," kuwento ni Jovy Moyang, guro nina Kyle at Kurl.
Isa pang beneficiary ang Grade 2 student na si John Louie na naging mas aktibo na ngayong sa school.
"Noon po, 'yan po ay talagang maihiyan. Ngayon po, siya po ay nakikiisa na siya sa gawang pampaaralan," pahayag ni Arsalie Marquez, Master Teacher II, tungkol sa progreso ni John Louie.
Mahigit tatlong kilo ang naidagdag sa timbang ni John Louie.
"Napansin ko po ang pagbabago sa aking mga anak. Masipag na po silang mag-aral, masigla ang kanilang katawan," bahagi naman ni Jelyn Pano, nanay ni John Louie.
Samantala, inaani na rin ngayon ang gulay na itinanim ng GMA Kapuso Foundation noong Marso na bahagi ng Gulayan sa Paaralan project.
"Namumunga na silang lahat. Sa katunayan po ay nag-harvest kami kanina para pansahog doon sa gulay. Ang ulam po namin ngayon ay pochero at isinahog po namin 'yung pechay," lahad ni Monica de Leon, feeding coordinator ng Batangan Elementary School.
Nagsagawa rin ang GMA Kapuso Foundation ng lectures para sa mga magulang tungkol sa tamang nutrisyon.
"Dapat ang tamang nutrisyon ay nagsisimula sa kanilang tahanan para maiwasan natin na bumalik ang kakulangan sa timbang ng mga bata. Kailangan ay natutunan ng mga magulang, ng kanilang parents, na magkaroon ng sapat na nutrisyon, tamang pagpe-prepare ng pagkain sa kanilang tahanan," paliwanag ni Angeli Kristine Sollano, municipal nutrition action officer.
Tuluy tuloy ang feeding program ng GMA Kapuso Foundation para sa 331 estudyante sa General Nakar na hahandugan ng mga masusustansiyang pagakin sa loob ng 120 days.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Department of Education-Division of Quezon, LGU-General Nakar, Municipal Nutrition Action Office of General Nakar, Selecta Milk, Unilever Nutrition (Knorr), Smucker's, at Coconut King.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Give-A-Gift: Feed A Child project at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus