GMA Kapuso Foundation, naghandog ng libreng pap smear at breast exam sa mga kababaihan sa Batangas at Cebu | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng libreng pap smear at breast exam sa mga ina at kababaihang persons deprived of liberty sa Batangas at Cebu.

GMA Kapuso Foundation, naghandog ng libreng pap smear at breast exam sa mga kababaihan sa Batangas at Cebu

By MARAH RUIZ

Bilang paggunita sa parating na Mother's Day ngayong May 14, naghando ng iba't ibang regalo at serbisyo ang GMA Kapuso Foundation sa mga kababaihan sa Batangas at Cebu.

Kabilang si Arlene Gahol sa grupo ng kababaihang gumawa ng canton noodles na gawa sa kalabasa sa San Luis, Batangas.

"Ang pinagkaiba po doon ay hindi po siya matagal lutuin at saka wala po siyang betsin," pagmamalaki ni Arlene sa kanilang produkto.

Naglalako naman ng shing-a-ling si Evelyn Tibayan kahit na madalas nang sumasakit ang kanyang mga binti. Siya kasi ang tumatayong magulang sa dalawa niyang apo.

"Pagkapanganak po nila, iniwanan na po. Ako na po ang nagpalaki sa kanila. 'Pag hindi po ako nagtinda, baka po sumala kami sa oras ng pagkain," kuwento ni Evelyn.

Kasama sina Arlene at Evelyn sa 100 nanay sa San Luis, Batangas na hinandugan ng GMA Kapuso Foundation ng libreng pap smear at tinuruan ng self breast examination, bilang paggunita sa parating na Mother's Day.

 

Bumista rin ang GMA Kapuso Foundation sa Cebu City Jail para magbigay ng libreng pap smear at clinical breast examination sa mga ginang na nakapiit sa Female Dormitory nito.

Nagbigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng food packs at hygiene kits para sa 200 kababaihang persons deprived of liberty (PDL) at asawa ng mga kalalakihang PDL.

"GMA Kapuso Foundation po ang unang nakapagbigay ng ganyang programa sa aming PDL ngayong Mother's Day po," mensahe ni JSupt. Stephanny Salazar, warder ng Cebu City Jail Female Dormitory.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Wellpoint Medical Clinic and Diagnostic Center Inc., Rural Health Unit ng San Luis sa Batangas, Integrated Cebu Midwife Clinic Inc., BJMP-Cebu City (Male and Female Dormitoires), Colgate Palmolive-Philippines, Ramon Aboitiz Foundation Inc., at Eduardo J. Aboitiz Cancer Center.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.