GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng ECG at blood sugar test sa Nueva Ecija
May 05 2023
By MARAH RUIZ
Pamumulot ng bato ang pinagkakakitaaan ni Florida Obias mula sa Gabaldon, Nueva Ecija.
Kada sako ng bato na mapupulot sa tabing-ilong, kumikita siya ng P30.
"Mabigat po talaga kung mabigat ang bato 'pag pinapasan. 'Yun po ang tinitiis ko talaga sa araw-araw," kuwento ni Florida.
Si Rogelio Merit naman, kumikita ng P1,200 sa bawat dumptruck na mapupuno ng bato.
Dahil babad sa initan, sumasama ang kanyang pakiramdam at minsan ay nahihilo pa.
"Natatakot ako. Baka kako kulang ako sa dugo o kaya sobra naman sa dugo kaya gusto kong magpa-check up. Kulang sa budget kasi gaya nga noon 'pag mamahinga, walang kakain," lahad ni Rogelio.
Dahil Hypertension Awareness Month ngayong Mayo, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreang ECG o electrocardiogram test, random blood sugar test at hypertension awareness lecture para sa 100 stonepickers sa Gabaldon, Nueva Ecija, kabilang sina Florida at Rogelio.
Bukod doon, hinandugan din sila ng GMA Kapuso Foundation ng food packs, hygiene kits at vitamins.
"Marami tayo sa ating mga kababayan na hindi nila alam na tumataas ang blood pressure. Makikita natin ito usually sa ospital, nagkakaroon na sila ng stroke or atake sa puso. Ang hypertension, namamana, pwede rin sa lifestyle natin, sa ating kinakain. Walang pinipiling edad," paliwanag ng cardiologust na si Dr. Victor Jonathan Benitez.
Dagdag na payo pa niya na mag-ingat lalo na ngayong mainit ang panahon.
"Kapag sobrang init, risk factor ito para tumaas ang kanilang mga blood pressure. Marami tayo na mga naka maintenance medication, despite ng gamot may tumataas pa rin ang blood pressure," aniya.
"Nagpapasalamat kami sa GMA Kapuso Foundation dahil dumating sila na may libreng serbisyo kahit na liblib na itong aming kinalalagyang lugar," mensahe ni Rogelio.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng St. Albert Medical and Diagnostic Center, Gawad Kalinga Elementary School, 91st Infantry Battalion ng Philippine Army, Selecta Milk, at General Nutrifoods Philippines Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus