May 05 2023
Ipinanganak na may bukol sa mukha ang 21-year old na si Thea Luna mula sa Bansud, Oriental Mindoro.
Gayunpaman, hindi niya ito hinayaang maging balakid para maging honor student. May angking talentento din siya sa pagguhit.
"May mga kanya kanya tayong goal at pangarap na gustong ma-accomplish. Ang parangap ko po talaga ay maging architect," pahayag ni Thea.
"Wala kaming nagiging problema sa kanya. Saka magaling na bata, matalino, pursigido," paglalarawa ng kanyang guro na si Chona Manrique, Teacher II sa Pag-asa National High School.
Solo parent ang nanay ni Thea na si Marivic Luna kaya doble kayod siya para masuportahan ang edukasyon at gamutan ng anak.
"Lahat po ng sakripisyo gingawa ko para sa kanya. 21 years akong single parent, hindi ko iniisip," lahad ni Marivic.
Idinulog ni Marivic sa GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ni Thea noong 2014.
"Si Thea ay mayroon noong tinatawag naming lymphangioma or lymphohemangioma. Ito po ay kumbinasyon ng mga abnormal na ugat at saka mga lymphatics. Paulit ulit po siya na bibigyan ng injection doon sa area ng kanyang pisngi at malapit doon sa kanyang bibig. Hindi naman kasi nakukuha lahat. Ang nangyayari, tumutubo pa rin," paliwanag ni Dr. Beda Espineda, pediatric surgeon sa Philippine Children's Hospital tungkol sa kundisyon ni Thea.
Natigil dahil sa pandemya ang gamutan ni Thea at ngayon, maari na itong ipagpatuloy.
"Ang gusto ng plastic surgeon is i-refer muna siya sa dentist para tanggalin 'yung mga ngipin na na-involve. Kailangan na daw i-refer sa hema-onco para paliitin ulit 'yung kanyang lymphangioma," paliwanag ni Dr. Espineda.
"Nais ko pong ipagpatuloy 'yung susunod na treatment," mensahe naman ni Thea.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto nina Dr. Beda Espineda, Oriental Mindoro Provincial Hospital, Philippine College of Surgeons, World Surgical Foundation Philippines, Starlite Ferries, at Selecta Milk.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Thea at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus