Dalawang senior citizens na barker, binigyan ng iba't ibang tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Binigyan ng iba't ibang tulong ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang magkapatid na senior citizens na nagtatrabaho bilang barker.  

Dalawang senior citizens na barker, binigyan ng iba't ibang tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Apat na dekada ang barker sa Makati ang 77-year old na si Diega Tives. Suma-sideline din siya sa pagde-deliver ng saging sa mga tindahan sa ilalim ng riles ng tren.

"Kung sa bahay antukin ka, matulog ka. Kung sa lansangan kahit papano makakatanggap ka ng kaunting barya. Ginagamit namin pambiling bigas," lahad ni Diega.

Ang kapatid niyang si Helen Bermndo na 74 years old ay barker din.

"Hanggang mamayang gabi po nagtitiyaga ako para kahit papano, madagdagan ang kita ko," pahayag ni Helen.

Matagal sa silang pinapatigil sa trabaho ng kanikanilang mga anak pero mas nanghihina daw sila kapag nasa bahay lang.

Para matiyak na maayos ang kalusugan nina Diega at Helen, pina-check up sila ng GMA Kapuso Foundation.

"Si Lola Diega, hindi ako nagugulat na meron siyang high blood. Si nanay Helen naman, okay ang BP niya. Ang concern ko lang is 'yung paglaki ng kanyang thyroid gland," lahad ni Dr. Rainier Nery Mozo, medical director at internal medicine specialist sa Clearbridge Medical Philippines.

Ipinasuri din ng GMA Kapuso Foundation ang kanilang mga mata.

"Si nanay Diega, parehong mata niya talaga, prominent na rin 'yung cataract. Kay nanay Helen, binigyan ko po siya ng doble vista. Far sighted siya, at the same time, she has a little of astigmatism," paliwanag naman ni Dr. Cristy Querido, isang optometrist.

 

 



Binigyan din sila ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, maintenance medicine at pinasukatan na rin ng pustiso.

"Maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation," pasasalamat ni Helen.

"Ganito na ang edad ko pero may tao pa sa amin na nagmamalakasit," dagdag naman ni Diega.

Matapos ang ilang araw, handa na ang pustiso nina Diega at Helen.

"Imagine, ang pinangga-grind nila 'yung gilagid nila. Baka 'yung gilagid mo matunaw or masugat sugat, masakit 'yun," ani Dr. Noel Velasco.

Pina-follow up check up ng GMA Kapuso Foundation si Helen para masuri ng isang espesyalita ang bukol niya sa leeg.

"May sampung taon na siguro itong tumutubo. Nagpa-doktor ako noon. Pinainom niya ako ng gamot sa loob ng tatlong buwan. Ang sabi sa akin hindi na 'yan lalaki," paggunita ni Helen.

"Ang diagnosis natin kay nanay Helen ay thyroid nodule or goiter. Hindi natin alam kung 'yung pamamaos ay dahil sa kanyang pagiging barker. Sigaw nang sigaw ang barker kaya baka may nodules doon or may mga bukol bukol sa kanyang vocal chord or pwedeng may naipit na ugat dahil malaki na 'tong bukol niya. Ang maganda dito ay talagang kailangan tanggalin natin," sambit ni Dr. Gil Vicente, ENT specialist.

Binigyan rin sila ng GMA Kapuso Foundation ng makeover at nakatanggap ng mga regalo mula sa Kapuso DJ na si Papa Dudut.

"Dahil lagi kayong nasa kalsada, bukod sa grocery, sagot ko na rin ang inyong pagpapamasahe para ma-relax po kayo," pahayag ni Papa Dudut sa dalawa.
 


Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Clearbridge Medical Philippines, Dr. Rainier Nery Mozo, Dr. Cristy Querido, Eurotel, Selecta Milk, Dr. Noel Velasco, Dr. Gil Vicente, Nilo Dental Laboratory, at Papa Dudut sa proyektong ito.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.