Batang napaoperahan ng GMA Kapuso Foundation noon, muling humingi ng tulong | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Muling humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang batang minsan nang napaoperahan dahil sa malaking bukol sa mukha.

Batang napaoperahan ng GMA Kapuso Foundation noon, muling humingi ng tulong

By MARAH RUIZ

Nahihirapang kumain at huminga dahil sa malaking bukol na tumubo sa kanyang mukha ang batang si Mark Clein Paul Ludivico na mula sa Isabela.

"'Yung face mask tinatanggal ko. Kung masakit naman, umiinom lang ako ng tubig," kuwento ni Mark tungkol sa iniinda niya.
 

 

 

Aktibo pa rin sa paaralan si Mark sa kabilang ng kanyang kundisyon.

"Gusto kong maaabot ang pangarap ko na maging police SWAT at pagkatapos po, maging piloto ng jet. Gusto ko pong matulungan 'yung mga bata na kagaya ko," lahad niya.

Hindi sapat ang kita ng tatay niyang mangingisda para maipagamot si Mark.

"Gusto ko po na mapatingnan uli si Mark para po maayos naman po 'yung kanyang buhay. Ang hirap hirap ng buhay namin," emosyonal na pahayag ni Eunice Ludivico, nanay ni Mark.

Napaoperahan na ng GMA Kapuso Foundation noong 2014 si Mark sa Maynila. Pero dahil sa hirap ng buhay at sa pandemic, hindi na siya nakabalik sa ospital.

Dahil dito, nagkaroon siya ng panibagong bukol.

"Si Mark Ludivico, meron siyang congenital na problem--ang tawag doon ay cystic hygroma or lymphangioma. 'Yung bukol ni Mark is tumubo dito sa bandang leeg niya. May parte lang silang tinaggal nung 2014, tapos dapat magfa-follow up siya one year after," paliwanag ng pediatric surgeon na si Dr. Jaynee Saure tungkol sa kundisyon ni Mark.

Kailangan ngayon ni Mark na sumailalim sa MRI para matukoy kung gaano kalaki ang tumubong bukol bilang paghahanda sa kanyang operasyon.

"Sana po ay matulungan niyo ako para matupad ko ang mga pangarap ko," panawagan ni Mark.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ni Dr. Jaynee Saure at ng Selecta Milk.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Mark at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.

 

Comments

ShareThis Copy and Paste
NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.