Batang may bukol sa mata, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Dumulog sa GMA Kapuso Foundation ang isang batang na nahihirapan magbasa dahil sa bukol sa kanyang mata.

Batang may bukol sa mata, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Sa unang tingin, tila normal ang kalagayan ng 10-year old na si Justine Garcia mula sa Pilar, Bataan.

Pero tuwing magbabasa, kailangan niyang takpan ang kanang mata para makakita nang mabuti.

May tumubo kasing bukol sa loob ng kanyang kanang mata.

 

 

"Pagka nagsusulat po ako, nagbabasa po ako, doon po sa katapat ko po si ma'am, namamali po ako. Kasi po nado-doble po 'yung paningin ko pagka nagbabasa po. Nagdidilim po 'yung paningin ko," kuwento ni Justine.

"Napapagpalit niya po 'yung ibang mga titik," paliwanag ng kanyang guro na si Carmie Louh Gueverra.

Noong 2019 unang mapansin ng mga magulang ni Justine ang problema niya sa mata.

"Iba 'yung tingin niya. Lumuluha 'yung mata niya. Minsan, nagrereklamo rin po siya na nahihilo siya," paggunita ng nanay ni Justine na si  Ritchelyn Garcia.

Gusto man nilang ipagamot si Justine, hindi sapat ang PhP2,000 na kita sa pag-aani ng singkamas kada linggo. Dahil dito, minarapat nilang ilapit ang kundisyon ni Justine sa GMA Kapuso Foundation.

"Si Justine ay may tinatawag na dermolipoma. Ano ba ang dermolipoma? Ang dermolipoma ay isang uri ng bukol na congenital. Ibig sabihin, pagka panganak pa lang, meron na siya nito," paliwanag ni Dr. Beltran Alexis A. Aclan, ophthalmoligist sa National Children's Hospital.

"Kung sakali kasing lumaki 'yung bukol, puwede siyang mag-cause ng astigmatism, pwede siyang malabo ang mata. 'Pag ganoon, ang goal natin is kahit papano, mabawasan 'yung bukol," dagdag niya.

Sa ngayon, kailangan ni Justine na sumailalim sa MRI para masuri ang kanyang kundisyon kaya nanawagan siya ng tulong.

"Humihingi po ako ng tulong para mapagamot po 'yung mata ko, para makapag-aral po ng maayos," mensahe ni Justine.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong nina Dr. Beltran Alexis A. Aclan, National Children's Hospital, at Selecta Milk.

Sa mga nais mag-abot ng tulong iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.