April 11 2023
Mahigit isang buwan na simula nang lumubog ang MT Princess Empress na nagdulot ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakabalik sa pangingisda at iba pang kabuhayang may kinalaman dito ang mga residente ng Calapan, Oriental Mindoro.
Kabilang diyan si Editha Rivas na nagtitinda ng isda simula noong kabataan niya. Hindi siya makapaghanap-buhay ngayon dahil sa oil spill.
"May huli ang tatay ko o wala at nakuha kami sa palengke, dinadala namin. Sulung-sulong namin para lang ipagpalit ng bigas," paggunita ni Editha.
Si Zenaida Belgem na kasamahan ni Editha at nagtitinda rin ng isda, umaasa sana ng malaking kita nitong nagdaang Holy Week.
"'Pag Holy Week, sana po maganda rin ang kita kasi medyo mahal ang isda. Kaso nga, 'yan po nagka-oil spill. Ang hirap ng buhay," kuwento ni Zenaida.
Para maitaguyod ang kanilang mga pamilya, naglabandera muna si Editha habang umaasa naman sa munti nilang sari-sari store si Zenaida.
Nitong nakaraang Semana Santa, tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Calapan para muling maghatid ng tulong sa mga residenteng apektado ng oil spill.
Kabilang sina Editha at Zenaida sa mahigit 1,700 indibidwal na hinandugan ng food packs ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Operation Bayanihan.
"Malaking tulong po ito sa kanila sapagkat ito talaga 'yung hinihintay nila since tigil sila, hindi sila makapangisda," lahad ni Robin Clement Villas, officer-in-charge sa Fisheries Management Office sa Calapan City.
"Ako po ay nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation. Malaking tulong sa amin 'yan. 'Yun na lang bigas, may isasaing na kami," mensahe ni Editha
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Sogo Cares by Hotel Sogo, Selecta Milk, at Eurotel.
Samantala, nagtulong-tulong ang iba't ibang barangay sa Calapan para gumawa ng improvised spill boom para hindi umabot ang tumagas na langis sa kanilang lugar.
"Maganda po 'yung initiative to create an improvised boom. Ito po ay the best way natin, at least mababawasan ang impact sa shoreline," pahayag ni Ltjg. Gerald Cordero, marine science technician at officer-in-charge sa incident management team sa Oriental Mindoro.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga apektado ng oil spill sa Mindoro at mga karatig na lugar at maging sa isa pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus