GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Oriental Mindoro ngayong Holy Week
April 08 2023
Marami pa ring mga mangingisdang natigil ang kabuhayan dahil sa oil spill na dulot ng paglubog ng MT Princess Empress.
Isa na riyan si Joey de Castro, mangingisda sa Calapan, Oriental Mindoro. Hindi siya makapamalaot kaya pilit niyang pinagkakasya sa pamilya ang kaunting kanin at tuyo.
"'Di ko po kayang tignan 'yung mga anak ko na hindi makakain ng tatlong beses maghapon dahil sa daumating sa aming sakuna, 'yung oil spill na 'yan," pahayag ni Joey.
Natigil pa sa pag-aaral ang isa niyang anak dahil sa pagtigil ng kanyang kabuhayan.
"'Yun nga po 'yung ikinalulungkot ko, ang aking anak po ay mapapatigil po sa pag-aaral dahil nga po sa kahirapan po ng buhay," lahad niya.
Gayunpaman, tumutulong pa rin si Joey sa paggawa ng improvised spill boom para hindi makarating sa pampang ang tumagas na langis mula sa MT Princess Empress.
Ngayong Semana Santa, naghatid ng GMA Kapuso Foundation ng food packs para sa mga naapektuhan ng oil spill sa bayan ng Calapan, Oriental Mindoro.
Kabilang si Joey at ang kanyang pamilya sa mahigit na 3,000 indibidwal sa apat na barangay sa Calapan na nahatiran ng tulong.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Calapan City Government-Fisheries Management Office, Eagle Cement, Sogo Cares by Hotel Sogo, Selecta Milk, at Eurotel.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus