GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang dalagang tinubuan ng bukol sa batok
March 31 2023
By MARAH RUIZ
Akala ng 19-year old na si Clarissa Claire "Kleng" Ceria mula sa Ballesteros, Cagayan na nunal lang ang tumubong bukol sa kanyang batok.
Pero lumaki ito at palagay niya, ito ang sanhi ng pagkahilo at panghihina niya.
"Kapag po 'yung sobrang init at saka napapagod po ako, nararamdaman ko pong kumikirot. Kinabukasan po, puputok na po" kuwento ni Kleng.
Umaabot pa raw sa puntong kailangan dalhin sa ospital si Kleng.
"Hinihimatay po [siya] at 'pag sumumpong 'yung ganoon niya, tinatakbo namin agad sa ospital," pahayag ni Jodelyn Ceria, nanay ni Kleng.
Nagtatrabaho bilang kasambahay si Jodelyn habang magbubukid naman ang kanyang asawa at hindi sapat ang kanilang kita para maipagamot ang kanilang anak.
Kaya sinubukan ni Kleng na magtrabaho bilang server sa kainan kasabay ng kanyang pag-aaral. Pero hindi nagtagal, pinatigil na rin siya ng may-ari dahil nakikita nito ang hirap ng dalaga
"Nag-usap kami, binigyan ko na lang siya ng pera and then binigyan ko ng damit. Sabi ko pag-pray natin [na] sana one day may tutulong sa kanya," pahayag ni Mary Jane Bonifacio, dating boss ni Kleng.
Si Mary Jane na rin ang nagmalasakit na idulog sa GMA Kapuso Foundation ang kalagayan ni Kleng.
Bilang tugon, agad na ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang bukol sa batok ni Kleng.
"It's cherry hemangioma on top of a lymphoma. Primarily talaga, abnormality 'to sa development ng ugat na kung saan tumubo sila and then nag kumpol-kumpol," paliwanag ni Dr. Rex P. Merza, chariman ng Department of Surgery sa Far North Luzon General Hospital tungkol sa kundisyon ni Kleng.
Ipinaliwanag rin niya kung paano ang gamutan na kailangang ng dalaga.
"Surgical, so kailangan matanggal [ang bukol]. Kasi unang-una, 'yun 'yung magiging problem niya kasi 'yung pagdudugo every now and then 'pag nasagi o na-irritate 'yung area na 'yan, dumudugo 'yung area," lahad ni Dr. Merza.
Nanawagan naman si Kleng ng tulong para mapa-operahan siya sa lalong madaling panahon.
"Tulungan niyo po ako kasi may gusto pa po akong pangarap. Gusto ko pa pong makatulong sa pamilya ko," aniya.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Selecta Milk, Eurotel, at ni Dr. Rex P. Merza.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa
official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus