March 27 2023
Ayon sa tala ng National Nutrition Council noong 2021, ika-siyam ang probinsiya ng Quezon sa may pinakamataas na kaso ng malnutrisyon sa Pilipinas.
Sinalanta pa ang lugar na ito ng bagyong Karding noong nakaraang taon kaya isa ito sa mga napili ng GMA Kapuso Foundation para a Give a Gift: Feed a Child project.
Mahigit 300 mag-aaral mula sa tatlong paaralan sa General Nakar, Quezon ang kasama sa feeding program na ito.
Sa susunod na buwan, ang mga gulay na ihahain sa mga bata ay manggagaling sa Gulayan sa Paaralan project.
"May gulay pong talong, may sili, may ampalaya. 'Yun pong mga gulay na 'yun ay kasama at makikita ninyo sa aming Gulayan sa Paaralan. 'Yun po ay nanggaling sa GMA Kapuso Foundation at saka sa Department of Agriculture," paliwanag ni Mayline Matugas, feeding coordinator sa Minahan Elementary School.
Para maipagpatuloy ang pagkakaroon ng masustansying pagkain sa tahanan ng mga mag-aaral, namigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng vegetable seeds at tinuruan ang mga magulang sa wastong pagtatanim, katuwang ang Municipal Agriculture Office ng General Nakar.
"Marami po akong natutunan sa pagtatanim, mai-apply ko rin po sa aming tahanan. Nasisigurado ko pong sariwa ang makakain ng akong anak," pahayag ni Mercy amentado, isang sa mga magulang na nakiisa sa proyekto.
"Kami po ay nagpapasalamat at natutuwa dahil ang GMA Kapuso Foundation ay may ganitong programa. Hindi lamang 'yung feeding kundi 'yung sa pagtatanim kung saan dito nangagaling 'yung ating mga pagkain," menasahe ni John Leo Te, municipal agriculturist sa General Nakar.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Selecta Milk, Unilever Foundation (Knorr), Smucker's, Coconut King, NutriAsia, Gardenia Bakeries Philippines Inc., Doña Maria Premium Rice, General Nutrifoods Philippines Inc., Dolly Tuna Flakes, at Rhea Generics.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus