GMA Kapuso Foundation, nagtayo ng vegetable garden para sa isang paaralan sa Quezon
March 24 2023
By MARAH RUIZ
Nitong nakaraang Enero, inulusad ng GMA Kapuso Foundation ang Give a Gift: Feed a Child project sa General Nakar, Quezon. Isa itong feeding program na naglalayong mapababa ang bilang ng mga batang may malnutrisyon sa lugar.
Bahagi ng proyektong ito ang Kapuso ng Kalikasan: Gulayan sa Paaralan kung saan magtatanim ng gulay ang mga magulang sa paaralan.
"Ang ginagawa po namin, 'pag meron po kaming na harvest sa harvesting season, [nilalaan] din po namin sa feeding katulad po ng mga mustasa," pahayag ni Arlene Caagbay, Head Teacher III sa Pesa Elementary School.
Kasama sa mga magulang na nagtatanim sa Gulayan sa Paaralan si Marissa Nazareno na may dalawang anak na kabilang sa feeding program ng GMA Kapuso Foundation.
"Malaking malaking katulungan sa aming mag-anak, lalong lao doon sa mga bata. Sinasabi nga ng mga anak ko, masarap lagi ang ulam, may gatas," kuwento ni Marissa.
Namahagi rin ang GMA Kapuso Foundation ng mga binhi at nagturo ng tamang pagtatanim.
"Ang programang Gulayan sa Paaralan ay nakakatulong upang makintal sa isip ng mga kabataan 'yung kahalagahan ng pagtatanim ng ligtas at maayos na pagkain," lahad ni John Leo Tena, municipal agriculturist sa General Nakar, Quezon.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Rhea Generics, Selecta Milk, Unilever Nutrition (Knorr), Grand Nourriture, NutriAsia, Doña Maria Premium Quality Rice, Odyssey Foundation Inc., Haverson-Power to Grow.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus