Babaeng may cleft lip at cleft palate, humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation
March 22 2023
By MARAH
Huminto na sa pag-aaral si Primalyn "Mesing" Elias, 20 years old na mula sa Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Hindi na niya nakayanan ang walang tigil na panunuksong natatanggap niya dahil sa kanyang cleft lip at cleft palate.
Sa ngayon tumutulong si Mesing sa kanyang mga magulang na gumawa ng asin. Nagbubunot din siya ng mani at kumikita ng P3.50 kada kilo. Nangangalakal din siya ng basura para kumita.
"Masipag, matulungin si Primalyn. Noong dumating siya, bumili ng ulam namin. Binibigyan rin niya 'yung kapatid niya," puri ni Ruby Elias, nanay ni Mesing.
Na-operahan ang cleft lip ni Mesing noong 5 years old pa lamang siya pero hindi natuloy ang pangalawang operasyon dahil madalas siyang magkasakit.
Idunilog ng isang kamag-anak ni Mesing sa GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ng dalaga.
"Naawa kasi ako dito kay Primalyn. Gusto kong makatulong para makapagpatuloy pa rin siya ng pag-aaral," pahayag ni Amelia Valdez na sumulat ng liham sa GMA Kapuso Foundation.
Agad namang isinangguni ng GMA Kapuso Foundation sa plastic surgeon na si Dr. Hector Santos ang kundisyon ni Mesing.
"It's a congenital deformity habang nasa sinapupunan. Kadalasan 'yan, 10 to 15 percent is genetics and then multifactorial--'yung nutrisyon ng nanay, o kaya malakas uminom ng alak, nagsisigarilyo," paliwanag ni Dr. Santos tungkol dito.
"Tulungan n'yo po ako na mapa-operahan," panawagan ni Mesing.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa tulong nina Dr. Hector Santos, Eurotel, at Selecta Milk.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Mesing at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus