GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng pap smear at breast exam sa La Union | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng libreng pap smear at breast exam para sa 100 kababaihan sa La Union.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng libreng pap smear at breast exam sa La Union

By MARAH RUIZ

Dahil Women's Month ngayong Marso, nagdala ang GMA Kapuso Foundation ng iba't ibang regalo para sa kababaihang nagdadaing ng isda sa Sto. Tomas, La Union.

Isa na riyan ang solo parents na si Edilberta Beninsig na nagdadaing ng 10 kilong sapsap kada araw. Kumikita siya ng PhP12 kada isang kilo rito na siya naman niyang pinagtutustos sa limang anak.

"'Yung kinikita ko, para lang sa bigas, kung anong ulam, kape namin sa bahay. Uuwi nga kami, gabi na," kuwento ni Edilberta.

Pinagsasabay naman ni Geraldine Rosario ang pagtatrabaho at pag-aaral. Nagdadaing ng isda at nagka-enrol sa alternative learning system o ALS sa kanilang barangay.

"Mag-i-start po ako ng alas sais [ng umaga]. Matatapos po ng ko ng mga 7:30 a.m. o 8:00 a.m. Bale dalawang [isda] na po 'yun, salmon saka dalag na po 'yun na-daing ko," bahagi ni Geraldine.

 

 

 



Kabilang sina Edilberto at Geraldine sa 100 kababaihan sa Sto. Tomas, La Union na binigyan ng libreng pap smear at breast examination ng GMA Kapuso Foundation.

Bukod dito, hinandugan din sila ng grocery packs, vitamins, at hygiene kits.

"Ang pap smear ay isang pagsusuri para ma-detect ang cervical cancer sa kababaihan. Ang self-breast exam naman, ginagawa 'yun monthly, seven days after ng regla. Kapag may nakapa na mga irregular na bukol, puwedeng pumunta kaagad sa doktor," paliwanag ni Dr. Sharon Balanon Almazon, OB-GYNE sa LUMED Hospital.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), available ang libreng pap smear at breast examination sa mga rural health units.

"Actually, isa ito sa mga primary care services na dapat talagang binibigay nila," pahayag ni Dr. Jan Llevado, district chief of the Cancer Control Division of the Disease Prevention and Control Bureua ng DOH.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng sa proyekto ng La Union Medical Diagnostic Center and Hospitals Inc. (LUMED), Propan, Colgate-Palmolive Philippines, Del Monte Philippines Inc., Hello Glow, Selecta Milk, at Eurotel.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.