GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Bansud, Oriental Mindoro
March 09 2023
By MARAH RUIZ
Maagang nagsimulang magtrabaho si Maricel Dimalibot na mula sa Bansud, Oriental Mindoro.
Nangingisda na siya simula noong 10 years old pa lang siya.
"Alas onse ng gabi po, hanggang madaling araw na, alas singko ng madaling araw, nagtatalapira po kami, naghuhulog po kami ng lambat," kuwento ni Maricel.
Dahil sa oil spill na dulot ng lumubog na MT Princess Empress, apektado ang kabuhayan niyang paggawa ng lambat.
"Sobra po, ang laki pong kawalan po sa amin 'to. Ngayon po, inisiip namin saan kami kukuha ng aming kakanin sa araw araw," lahad ni Maricel.
Hindi pa man umaabot sa Bansud ang tumagas na langis, nagtulung-tulong na ang mga residente rito sa paggawa ng tinahing trapal na may lamang dayami para ipangharang.
"Nasa dalawang milya ang layo pa sa lugar namin, ngayon ay inihahanda na namin," pahayag ni Romulo Miranda, barangay captain ng Brgy. Proper Tiguisan.
"Ginawa po 'yang artificial spill boom para maharang po 'yung oil," dagdag na paliwanag ni Dexter Amiel Carcosia, operations and training officer ng MDRMO Bansud.
Para matulungan ang mga mangingisdang apektado ng oil spill, nagdala ang GMA Kapuso Foundation ng food packs sa tatlong barangay sa Bansud, Oriental Mindoro sa ilalim ng Operation Bayanihan.
Bukod dito, nagkapagdala rin ang GMA Kapuso Foundation ng food packs sa tatlo pang barangay sa Naujan. Sa kabuuan, mahigit 40 indibidwal ang natulungan ng Operation Bayanihan dito.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Armed Forces of the Philippines, 2nd Infantry Division PA, 203rd Infantry Brigade, 76th Infantry Battalion, 2nd CMO Battalion, Selecta Milk, at Eurotel.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus