GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga mangingisdang apektado ng oil spill sa Mindoro
March 07 2023
By MARAH RUIZ
Dahil sa oil spill na dulot MT Princess Empress sa Oriental Mindoro, maraming mangingisda at fish vendor ang hindi makapaghanap-buhay sa bayan ng Pinamalayan.
Isang linggo nang hindi makapamalaot ang mga mangingisda rito dahil sa lumubog na oil tanker.
"Ako po'y namuhunan ng PhP10,000 sa aking ginagawang lambat bago ma-stuck lang gawa ng oil spill. Namuhunan ako tapos hindi ko agad mababawi," lahad ng mangingisdang si Lowelo Hernandez.
"Mas malala pa po talaga ito kaysa sa COVID-19 po. Noong COVID-19 ay nakakapaghanap-buhay pa po kami. Kahit umangkat naman po kami ng isdang dagat, wala naman pong bibili sa aming mga tao dahil takot nga po sa oil spill na 'yan," dagdag ni Phoebe Jalos, isang fish vendor.
Para matulungan ang mga mangingisda tulad nila, naghatid ng food packs ang GMA Kapuso Foundation sa Oriental Mindoro. Sa ilalim ng Operation Bayanihan, mahigit 3,000 indibidwal sa apat na barangay sa Pinamalayan ang nahatiran ng tulong.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Armed forces of the Philippines, 2nd Infantry Division PA, 203rd Infantry Brigade, 76th Infantry Battalion, 2nd CMO Battalion, Selecta Milk, at Eurotel.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus