GMA Kapuso Foundation, napa-operahan na ang isang dalagang may problema sa paningin | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Napaoperahan na ng GMA Kapuso Foundation ang isang dalagang nanawagan ng tulong dahil sa problema niya sa paningin.

GMA Kapuso Foundation, napa-operahan na ang isang dalagang may problema sa paningin

By MARAH RUIZ

Sa kabila ng kundisyon niya sa mga mata, madalas pa ring lumahok sa iba't ibang kumpetisyon sa kanilang paaralan ang grade 9 student na si Kim Clores.

Isa siya sa tatlong magkakapatid na may congenital hereditary endothelial dystrophy o ang pagiging cloudy ng mga cornea na siya namang nagdudulot ng paglabo ng paningin.

Natulungan na ng GMA Kapuso Foundation ang dalawa niyang kapatid at ngayon naman, napaoperahan na rin si Kim matapos may mag-donate ng cornea.

"Puwede talaga tayong mag-donate ng cornea ng mga nasawi na mga mahal natin sa buhay. Maari talaga tayong makatulong sa napakadaming tao na nabubulag dahil sa corneal disease or corneal problems," paghikayat ni Dr. Beverly dela cruz Rosas, chair ng Department of Ophthalmology sa Asian Hospital and Medical Center.

Dalawang araw matapos makuha and cornea mula sa donor, sumailalim si Kim sa corneal transplant sa pagtutulungan ng GMA Kapuso Foundation, Eyebank Foundation, at Asian Hospital and Medical Center.

"We did a corneal transplant for Kim to replace the cornea na cloudy na para malinaw ulit," paliwanag ni Dr. Tonton Pascual, ophthalmologist at cornea and external disease specialist sa Asian Hospital and Medical Center.

 

 

 



Ilang araw matapos ang operasyon, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat ni Kim.

"Una ko pong pinapasalamatan si Lord at ang donor ng cornea, kay ma'am Mel Tiangco, GMA Kapuso Foundation, Eyebank Foundation at kay Dr. Tonton Pascual. Makakabasa na po ako nang maayos. Maraming-maraming salamat po," lahad ni Kim.

Naging emosyonal din ang kanyang inang si Rosalinda Clores.

"Sobrang pasasalamat ko po sa inyo dahil kahit sa tagal ng panahon, hindi niyo po kami nakakaliumutan," pahayag ni Rosalinda.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundatoon sa pakikiisa nina Dr. Tonton Pascual, Dr. Beng dela Cruz, Dr. peñafrancia Cano, Eyebank Foundation of the Philippines, at Asian Hospital and Medical Center-Department of Ophthalmology.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.