Dalagang may problema sa paningin, humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang dalagang may problema sa kanyang paningin.

Dalagang may problema sa paningin, humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Isa sa tatlong magkakapatid na na-diagnose na may congenital hereditary endothelial dystrophy ang 14-year-old na si Kim Clores.

Una na siyang nakilala ng GMA Kapuso Foundation noong 2011 nang nanawagan silang magkakapatid ng tulong para sa kanilang kundisyon.

"Ito ay inborn na nagiging cloudy o parang mapusyaw na bughaw yung mga corneas. Dahil may pagka cloudy 'yung corena or malabo, hindi makapasok nang maayos yung ilaw," paliwanag ni Dr. Tonton Pascual, ophthalmologist at cornea and external disease specialist sa Asian Hospital and Medical Center tungkol sa kundisyon ng mata ng magkakapatid na Clores.

Sa tulong ni Dr. Tonton Pasciual at ng Eye Bank Foundation, napa-operahan ang panganay na kapatid ni Kim na si Roildan noong 2012 at sumailalim sa corneal transplant noong 2017 ang isa pa niyang kapatid na si Rayven.

Susunod na sanang ma-operahan si Kim pero naudlot ito dahil madalas siyang magkasakit.

Sa ngayon, hirap at halos abutin ng madaling araw si Kim sa kanyang pag-aaral.

"Pinipicturan ko 'yung mga ibabasa or kaya isusulat ko po, tapos izu-zoom ko na lang po para sulatin or basahin," kuwento ni Kim.
 

 

 

"Mahapdi 'yung mata, nagluluha kasi parang irritated siya sa araw," dagdag naman ng ina niyang si Rosalinda Clores.

Kaya naman muling nanawagan ng tulong si Kim.

"Sana po ma-operahan na 'ko para 'yung mga gusto ko pong gawin, magawa ko na. Sa mga nanonood po, sana po matulungan niyo po ako," mensahe niya.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Kim at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.