Bloodletting project ng GMA Kapuso Foundation, magbabalik matapos ang tatlong taon
February 17 2023
By MARAH RUIZ
Panata na ni Luisito Mendoza mula sa San Jose del Monte, Bulacan sa 13 taon ang pagdo-donate ng dugo.
"Kada isang taon, dalawang beses. Tinuloy-tuloy ko na, parang panata na rin," kuwento ni Luisito.
Inspirasyon daw niya ang isang kapitbahay na nangailangan ng dugo noon pati na ang magkapatid na Pablo at Mark Bulala na may beta thalassemia na itinampok noon bilang mga natulungan ng GMA Kapuso Foundation.
"Sabi ko willing akong mag-donate sa kanila. Mayroon palang ganoon--buwan-buwan kailangan mapalitan ang dugo," lahad ni Luisito.
Nangailangan naman ng dugo ang sundalong si Cpl. Silverio J. Cabido Jr. (INF) PA, matapos mabaril sa isang engkuwentro noong 2017. Hirap siyang makahanap noon ng dugo dahil AB ang kanyang blood type.
Ngayon, siya naman ang magbibigay ng dugo para makatulong sa iba.
"'Yung pagkatama ko, hindi ko dinibdib. Hindi ko pinroblema ngayon kasi alam ko na buhay pa ako. Kailangan ko pang magtrabaho at saka matulugnan 'yung mga nangangailangan," aniya.
Matapos mahinto ng tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic, muling magbabalik ang Sagip Dugtong Buhay Bloodletting Project ng GMA Kapuso Foundation
Maging isang bayani at mag-donate ng dugo ngayong February 26 sa Ever Commonwealth, Quezon City, mula 8:00 a.m. hanggang 6:00 p.m.
"Ang bawat unit ng dugo, hindi natin nama-manufacture. Bawat unit po ng dugo ay galing po sa mga donor natin na walang sawang nagdo-donate at tumutulong po sa pagbibigay ng dugo sa mga nangangailangan," paghihikayat ni Dr. Gerald Valeriano, medical officer sa Philippine Red Cross.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso sa pakikiisa ng Training and Doctrine Command, Philippine Army; Philippine Red Cross; Dunkin'; Selecta Milk; B.Braun Medical Supplies Inc.; Crystal Clear; at ni Tess Bomb.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus