Lalaking may Pott's Disease, hinandugan ng wheelchair ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng wheelchair para sa isang lalaking may Pott's Disease sa Victoria, Tarlac.

Lalaking may Pott's Disease, hinandugan ng wheelchair ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Sumulat sa GMA Kapuso Foundation si Esteban Gacutan mula Victoria, Tarlac para manawagan ng maayos na wheelchair.

Luma na kasi at kinakalawang ang wheelchair na gamit niya. Pinatungan na lang din muna niya ito ng tarpaulin para magamit pa kahit sira na.

"Ito pasira na nga po kasi hindi naman ito pang-heavy duty. Ito po talaga 'yung pang araw-araw ko na pagkilos kilos sa bahay," kuwento ni Esteban na nagtitinda sa isang sari-sari store.

Na-diagnose si Esteban ng Pott's Disease kaya hindi na siya nakakalakad.

"'Yung Pott's Disease po, 'yung po yung TB (tuberculosis) of the bone. Usually doon sa spinal cord niya ang affected kaya hindi po siya nakakalakad," paliwanag ni Dr. Nelin C. Tacasa, municipal health officer sa rural health unit ng Victoria, Tarlac.

Kasama ni Esteban sa bahay ang kanyang nakakatandang kapatid na si Soledad Domingo. Gusto man niyang ibili ang kapatid ng bagong wheelchair, sadyang kapos ang kinikita nila sa sari-sari store na minsan ay umaabot lang ng PhP50.

"Pareho po kaming nagsusumikap kahit kaunti. Kaunti 'yung [kita] namin sa tubo ng patitinda. Talagang sakripisyo po 'yung ginagawa niya," lahad ni Soledad tungkol sa kapatid.

Kaya naman nang nagpadala ng sulat si Estaban sa GMA Kapuso Foundation para humiling ng wheelchair, agad siyang pinuntahan sa Victoria, Tarlac para hatiran ng bagong wheelchair, food packs, at vitamins. Ipinakonsulta na rin siya sa doktor.

 

 

"Medyo mataas po ang presyon niya kaya binigyan po natin siya ng gamot ngayon para presyon at bitamina po. Hindi po natin masyadong nadi-detect 'yung Pott's Disease agad. Napapansin na lang po 'yan, late na po, minsan 'yung nanghihina na 'yung likod," bahagi ni Dr. Tacasa tungkol sa kundisyon ni Esteban.

Lubos namang nagpapasalamat si Esteban sa bagong wheelchair na natanggap niya mula sa GMA Kapuso Foundation.

"Nagpapasalamat po ako sa GMA Kapuso Foundation kasi 'yung request ko po [napagbigyan] saka nabisita niyo po kami rito. Talagnag malaking utang na loob talaga sa inyo," mensahe ni Esteban.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa nina Dr. Nelin C. Tacasa, Lotus Tools PH, Selecta Milk, B.Braun Medical Supplies Inc., at Rainphil Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.