GMA Kapuso Foundation, magpapatayo ng tulay sa Mabinay, Negros Oriental
February 11 2023
By MARAH RUIZ
Nag-viral noong 2017 ang mag-asawang Marjun at Remelyn Bellesta mula sa Mabinay, Negros Oriental, nang sumakay sila ng backhoe para makarating sa kanilang kasal.
Hindi kasi sila makatawid sa taas ng tubig sa ilog kaya mutik pang hindi matuloy ang kasal dahil hindi sila makarating sa simbahan.
"Mangarap kami na 'yung tulay ituloy na talaga 'yun. Hindi kagaya namin na backhoe lang 'yung sinakyan," pahayag ni Marjun.
Winasak ng bagyong Odette ang tulay sa Brgy. Abis kaya napipilitang tumawid sa mismong ilog ang mga residente dito.
Isa na riyan ang habal habal driver na si Oliver "Boyet" Balde. Itinatawid niya ang mga anak sa ilog para makarating ang mga ito sa paaralan.
"Kung hindi maitawid sa mga motor namin, ikakarga namin sa likod 'yung pasahero," paliwanag ni Boyet.
Para matulungan ng mga residente ng Mabinay, Negros Oriental, magpapagawa ang GMA Kapuso Foundation ng 50-meter steel hanging bridge sa Brgy. Abis sa ilalim ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project.
"Itong tulay na ito sa Mabinay is part of our aid para sa mga nasalanta ng typhoon Odette," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.
"Ie-elevate natin 'yung ating tulay ng 2.5 meters mula doon sa natural grid line para pagka nagkabaha ulit katulad noong bayong Odette, hindi siya aabutin ng tubig baha," paliwanag naman ni GMA Kapuso Foundation senior project engineer Ed Eniego.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyektong ito ng Philippine Army 3rd Infantry Division, 302nd Infantry Brigade, 53rd Engineer Brigade, 542nd Engineer Construction Battalion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus