February 07 2023
Ngayong buwan ng February ginugunita ang Oral Health Month. Bilang pakikiisa dito, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng libreng pustiso para sa mga nangangailangan.
Kakaunti na lang ang natirang ngipin ng sari-sari store owner na si Belina Anciano. Sa palagay niya, nasira ang kanyang ngipin dahil sa hilig niyang ngumata ng bigas.
"Ang hirap talaga lalo ngayon nagsasalita ako, lumalabas 'yung hangin. Saka yung S, ang hirap bigkasin sa walang ngipin," pahayag ni Belina.
Ganito rin ang kundisyon ng ngipin ng anak niyang si Jerlyn. Mahilig daw itong kumain ng candy noong siya ay bata pa kaya 12 years old pa lang, kinailangan nang magsuot ng pustiso. Hanggang ngayong hindi pa rin napapalitan ang pustisong ito.
"33 years old na ko, 'yun pa rin 'yung gamit ko. 'Yung pustiso ko po 'pag napuputol, nilalagyan ko na lang po siya ng pandikit," kuwento ni Jerlyn.
Kabilang sina Belina at Jerlyn sa mga beneficiaries ng isinagawang oral screening at impression-taking na bahagi ng Ngiting Kapuso project ng GMA Kapuso Foundation at Philippine Prosthodontics Society para sa mga nangangailangan ng pustiso.
"Magkakaroon ka ng confidence sa sarili mo 'pag humaharap kasa sa tao, 'pag nagsasalita ka, 'pag ngumingiti ka at pinakamahalaga ay 'yung makakaain ka nang maayos. 'Yung pustiso puwede nilang magamit para magkaroon sila ng trabaho, magkaroon sila ng pagkakataon na mabago ang kanilang buhay," pahayag ni Dr. Joann Fontanilla Joven, presidente ng Philippine Prosthodontics Society.
"Nagkaroon ako ng bagong pag-asa kasi magkakaroon na ako ng bagong pustiso. Hindi na ako mahihiya tapos makakapaghanap na rin ako ng trabaho. Higit sa lahat, makakangiti na ko nang sobra," pasasalamat ni Jerlyn.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Prosthodontics Society, Colgate-Palmolive Philippines, General Nutrifoods Philippines Inc., Nilo Dental Labratory, at LabX Corp.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus