February 03 2023
Isa ang malnutrisyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa lalo sa mga liblib na lugar.
Bilang tulong, magsasagawa ang GMA Kapuso Foundation ng six-month feeling program para mahigit 300 na mga-aaral sa General Nakar, Quezon.
Kasama diyan ang kambal na sina Kurl at Kyle Pranada mula sa Pesa Elementary School. Kanin pero walang ulam ang baon ng anim na taong gulang na kambal.
Madalas na gulay na tanim ng kanilang ina ang ulam ng mga bata pero nasira ang mga ito dahil sa pabugso-bugsong pag-ulan. Minsan kanin at toyo lang ang nakahain sa kanilang hapag.
Ayon sa weight-for-age table ng World Health Organization, 20.5 kilos ang wastong timbang ng mga batang six years old. Ang timbang ng kambal ay uambot lamang sa pagitan ng 12.4 at 13 kilos--timbang na pang two years old.
"'Pag kakaragahin mo, magaan sila. Talagang makikita mo na hindi sila katulad nung normal na bata," pahayag ng kanilang ina na si Eunice Pranada.
"Itong kambal, talagang sila ay masayahin naman. Kaya lang, talagnag 'pag kulang sa nutrisyon makikita mo 'yung performance noong bata-- parang tamad magsulat, sa halip na nakatingin sa iyo at nakiknig mamaya wala na 'yung atensiyon," kuwento ni Jovy Yomang, Teacher II sa Pesa Elementary School.
Sa tala naman ng National Nutrition Council noong 2021, pang-siyam ang Quezon Province sa may pinakamaatas na kaso ng malnutrisyon sa bansa.
Kabilang sina Kurl ang Kyle sa 331 estudyante mula sa tatlong paaralan sa General Nakar, Quezon na sasailalim sa Give A Gift: Feed A Child program ng GMA Kapuso Foundation na maghahatid ng masusutansiyang pagkain sa loob ng anim na buwan.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Selecta, Nutriasia, Hotel Sogo, at Doña Maria Premium Quality Rice sa proyekto.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus