GMA Kapuso Foundation, nagsagawa ng papagpupurga at feeding program sa General Nakar, Quezon
January 31 2023
By MARAH RUIZ
Isa sa mga sanhi ng malnutrisyon ng mga kabataan sa General Nakar, Quezon ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan. Bukod sa malnutrisyon, maari rin itong maging sanhi ng iba't ibang kumplikasyon sa kanilang kalusugan.
Ipinaliwanag ni Rea Mortiz Meraña, school district nurse III, ang ilang sanhi ng pagkakaroon ng bulate ng mga bata.
"Una ay ang maruming kuko, ang mga pamilya na walang palikuran kung saan ang mga bata ang nakayapak at walang tsinelas, at kapag ang mga pagkain ay walang takip at sinubo nila nang hindi naghuhugas ng kamay," aniya.
Ngayong National Deworming Month, nakiisa ang GMA Kapuso Foundation sa pagsusulong ng malusog at malakas na pangangatawan para sa mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng pampurga sa mahigit 300 mag-aaral sa tatlong paaralan sa General Nakar, Quezon.
"Maiiwasan 'yung anemia at malnutrisyon sa bata kaya tayo nagkakaroon ng deworming kada anim na buwan. Ang target po natin ay mula kinder to grade 12 at ang age bracket po nito ay five to 18 years old," lahad ni Meraña.
Bukod sa pampurga, naghatid din vitamins, body wash, at sabon ang GMA Kapuso Foundation para sa mga bata. Tinuruan din sila ng wastong paraan ng paghuhugas ng kamay.
Ito ay paghahanda para sa sa Give A Gift: Feed a Child program ng GMA Kapuso Foundation na layong mabigyan ng wastong pagkain at nutrisyon ang mga batang kulang sa timbang at taas sa loob ng 120 days.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng DepEd-Quezon; LGU-General Nakar, Quezon; Rhea Generics; Colgate-Palmolive Philippines; Philippine Army 2nd Infantry Division at 1st Infantry Battalion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus