GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang dalawang babaeng may goiter | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang babaeng may goiter bilang pakikiisa sa Goiter Awareness Week.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang dalawang babaeng may goiter

By MARAH RUIZ

Bilang pakikiisa sa Goiter Awareness Week, dalawang babaeng may goiter ang dinala ng GMA Kapuso Foundation sa espesyalista para mapasuri ang kanilang mga kundisyon.

Siyam na taon nang iniinda ni Myline Negrido mula sa Antipolo ang bukol na unti unting lumalaki sa kanyang leeg.

"Mas madalas po akong hingalin, mainit sa pakiramdam, parang laging tuyo 'yung lalamunan ko," paglalarawan ni Myline sa mga nararamdaman niya.

Dahil dito, nahihirapan siyang humanap ng trabaho kaya hindi rin makapagpagamot.

Ganito rin ang kalagayan ni Elma Mateo mula sa Silang, Cavite. Kapos din siya sa pera kaya hindi mapatingnan ang hinihinala niyang goiter.

"Nahihirapan akong lumunok. Noong tumagal nang tumagal, lumalaki siya. Parang nakaharang siya sa paghinga ko, sumasakit na 'yung dibdib ko," lahad naman ni Elma.

Agad silang ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation para mas malinawan sa kanilang mga kundisyon.

 

 

"Si nanay Elma ay nagprisinta ng isang bukol sa leeg. Usually 'pag anterior neck mass, lumalabas ito ay parang bosyo o goiter. Baka lumaki 'yung kanyang thyroid gland, nagkaroon ng mga tinatawag nating nodules," paliwanag ni Dr. Gil Vincente, isang ENT (ears, nose and throat) specialist.

"Si Myline ay pwedeng mayroon iodine deficiency, iodine deficiency na goiter. Usually napakalaki, ang laki laki na sa kanya," dagdag ni Dr. Vicente.

Matinding stress at kakulangan sa iodine ang ilang mga sanhi ng goiter. Ipinaliwanag din ni Dr. Vicente kung paano ang magiging gamutan para kina Myline at Elma.

"Ablation of the thyroid using a radio frequency. Mayroon tayong wand na pinapasok doon tapos tinutunaw niya at kino-convert sa plasma ang layer ng kanyang thyroid tissues," aniya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulogn nina Dr. Gil Vicente, 402nd CDC Bravo Company, Rainphil Inc., at B. Braun Medical Supplies Inc.

Sumailalim na sa unang operasyon sina Myline at Elma pero nangangailangan pa rin sila ng tulong para sa pangalawa nilang operasyon.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.