GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga magsasaka sa Dilasag, Aurora
January 25 2023
By MARAH RUIZ
Nakapagpatapos ng tatlong anak si Rufino Corpuz Ancheta dahil sa 20 taon niyang pagsasaka sa Dilasag, Aurora.
May dalawa pa siyang anak na nag-aaral at kailangang suportahan pero nangangamba siyang malugi ngayong buwan.
Nalubog kasi sa baha ang mga pananim niyang dapat ay pagkukunan ng kita ngayong buwan. Bukod dito, nginatngat pa ng daga ang tanim niyang palay at mais.
Nakikisaka lang si Rufino kaya nangangamba siyang wala na siyang maani pa.
"'Yung lumaki po [na mga pananim], binabanatan po ng daga. Sa tag-ulan, hindi masyadong umusbong 'yung bunga. Lamig po ang nararanasan ng sitaw. Mahina po 'yan sa lamig. Kung minsan, may binebenta rin kami pang-budget uli sa susunod na anihan," lahad ni Rufino.
Para matulungan si Rufino at iba pang mga tulad niya, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng food packs para sa 700 pamilya ng mga magsasaka sa Dilasag, Aurora.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng AFP-NOLCOM, 91st Infantry Battalion, Alpha Company, Bravo Company; Kabalikat Civicom-Casiguran Chapter; Rainphil Inc,; B. Braun Medical Supplies Inc.; at Champion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus