Babaeng may bukol sa maselang bahagi ng kanyang katawan, nanawagan muli ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Muling nanagawan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang babaeng may bukol noon sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Babaeng may bukol sa maselang bahagi ng kanyang katawan, nanawagan muli ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Noong nakaraang taon, napa-operahan ng GMA Kapuso Foundation ang isang babaeng itatago natin sa pangalang Marina, na may malaking bukol sa maselang bahagi ng kanyang katawan na dulot ng human papillomavirus.

Matapos ang tatlong taon ng pagtitiis, bumuti na ang kanyang kundisyon. Marami na siyang kayang gawin at hindi na nahihirapang umupo at kumilos.

"Nakakalakad na po ako nang malayo na hindi na po ako 'yung hinihingal or napapagod. Ngayon po, 'yung pagyuko-yuko ko, lalo na 'pag naghahanap po ng mga panggatong, nakakuha na rin po ako," kuwento ni Marina nang muli siyang bisitahin ng GMA Kapuso Foundation.

 

 

Nakahanap na rin ng trabaho si Marina pero nagiging sagabal dito ang mga kulugo sa kanyang kamay at paa.

"Sa pakikisalamuha pa rin po, kasi po 'yung ibang tao, puwede po akong husgahan lalo na po 'pag nakita 'yung kamay ko. Gusto ko pa rin po talagang mag-aral," lahad ni Marina.

Pinagtignan ng GMA Kapuso Foundation si Marina sa East Avenue Medical Center.

"Dahil ang widespread noong kanyang mga kulugo, ang isang consideration namin ay tinatawag na epidermodysplasia verruciformis. Ito ay genetic na sakit sa balat. Ito ay na consider namin dahil mayroon din siyang mga family members na may mga kulugo," paliwanag ni Dr. Charlene Marie U. Ang-Tiu, isang dermatologist.

"May iba't ibang treamemt sa kulugo. Puwedeng 'yung pahid lang, mayroon din tayong mainit, electrocautery. Sa electrocautery, heat naman ang ginagamit para masira at mamatay 'yung kulugo," dagdag ni Dr. Ang-Tiu tungkol sa posibleng gamutan para kay Marina.

Kaya naman nanawagan ng karagdagang tulong si Marina para maipagamot ang kanyang kondisyon.

"Humuhingi po sana ako ng tulong kasi gawa po nang gusto ko po sanang maalis 'tong mga nasa kamay ko. Kahit po paunti unti, pero malaking ginahwa po sa akin 'pag nawala po ito," mensahe niya.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng East Avenue Medical Center, Dr. German Tan-Cardoso, Dr. Isabela Alexa Martinez, Dr. Charlene Marie U. Ang-Tiu, Dr. Grace Carole Beltran, CDRRMO at B.Braun Medical Supplies Inc.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.