GMA Kapuso Foundation, kinumusta ang mga batang natulungan noon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kinumusta ng GMA Kapuso Foundation ang ilang batang natulungan nito sa kanilang kakaibang medical conditions.

GMA Kapuso Foundation, kinumusta ang mga batang natulungan noon

By MARAH RUIZ

Kabilang sa mga layunin ng GMA Kapuso Foundation ang tumulong sa mga batang may karamdaman para mabuhay ang mga ito nang normal at maabot ang kanilang mga pangarap.

Ngayong bagong taon, muling binisita ng GMA Kapuso Foundation ang ilang mga batang tinulungan nito.

Ipinanganak na walang butas sa puwetan o kundisyong tinatawag na imperforate anus ang batang si Jessy Claire.

Limang taon matapos siyang ma-operahan, masigla at wala na siyang iniindang karamdaman.

"'Yung mata niya parang namumuti na kasi sa sobrang hirap na pag-ire pero ngayon parang wala na. Parang normal na siya. Bibo naman po, lagi naman pong pumapasok 'yan," pahayag ni John John Rodillo, tatay ni Jessy.

Unti-unti na ring bumubuti ang kalagayan ng magkapatid na sina Nira at Eileen Zapatero na mula sa Tayum, Abra. Dati, tila binalot ng kaliskis ang kanilang balat dahil sa kundisyong ichthyosis vulgaris.

"Dati po, hindi po ako nakakalabas ng bahay kasi po 'pag lumabas po ako, lalo po akong nahihirapan sa init po. Ngayon mayroon na pong gamot, nakakalabas na po," kuwento ni Nira.

Nag-aaral na rin si Nira at inilarawan ng kanyang guro bilang isang fast learner. Nakakabasa na siya nang buo, nakakagawa ng simple phrases at sentences, at nagsimula na rin sa mathematics.

Binisita sila ng GMA Kapuso Foundation para muling hatiran ng gamot at food packs.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong nina Dr. Beda Espineda, Dr. Grace Beltran, at B.Braun Medical Supplies Inc.

 

GMA Kapuso Foundation

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.