GMA Kapuso Foundation, nakapaghatid ng tulong sa mahigit 170K tao sa 25 probinsiya nitong 2022 | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Maraming naabot na mga indibidwal at lugar ang GMA Kapuso Foundation noong 2022 at ipinapangako nito na ipagpapatuloy ang serbisyong ito ngayong 2023.  

GMA Kapuso Foundation, nakapaghatid ng tulong sa mahigit 170K tao sa 25 probinsiya nitong 2022

By MARAH RUIZ

Dumaan ang mga Pilipino sa samu't saring pagsbubok noong 2022, kasama na ang bagyo, lindol, pag-aalboroto ng bulkan, sunog, flashflood, landslide at marami pang iba.

Sa gitna ng mga ito, naghatid ng serbisyong maasahan ang GMA Kapuso Foundation.

Sa relief operations ng Operation Bayanihan, nakapaghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa 174,294 individuals na apektado ng iba't ibang sakuna habang kabalikat ang Armed Forces of the Philippines.

Mas pinatibay rin ng GMA Kapuso ang developmental infrastructure projects nito katulad ng Silong Kapuso Project kung saan nakapagbigay ito ng roofing materials at naipaayos ang 300 bahay sa Buenavista sa Bohol, General Nakar sa Quezon at Limasawa Island sa Southern Leyte.

Nakapagpatayo rin ito ng matitibay na Kapuso schools tulad ng apat na classroom para sa Baybay Elementary School sa Burgos, Siargao Island, apat na classrooms para sa Magallanes Elementary School sa Limasawa Island at tatlong classrooms para sa New Malangza Elementary School sa Liloan, Southern Leyte.

Sa ilalim naman ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran, naipatayo na ng GMA Kapuso Foundation ang isang 70-meter bridge sa Brgy. San Juan sa Sogod, Southern Leyte. Ito ang unang Kapuso Tulay sa Visayas at ika-pito sa buong bansa.

 

 



Umabot naman sa 25 probinsiya ang Unang Hakbang sa Kinabukasan kung saan nakapaghatid ng school bag na may kumpletong school supplies at hygiene kits para sa 6,000 mag-aaral.

Tinutukan din ng GMA Kapuso Foundation ang kalusugan ng mga Pilipino at nakapagtala ng 1,210 beneficiaries noong Men and Women's Health Month, Heart Month, at sa mga proyektong Operation Tuli, Kapuso 20/20 Eye Project at Linis Lusog Kapuso Kabataan.

Namahagi rin ito ng gamot sa 21 health facilities at 9,600 beneficiaries sa iba't ibang probinsiya, pati na wheelchairs at prosthetic hands para sa 118 beneficiaries.

Nakalikom naman ang GMA Kapuso Foundation ng dugo mula sa 1,990 blood donors sa ilalim ng Sagip Dugtong Buhay Bloodletting Project.

Sa tagumpay ng mga proyektong ito, buong pusong nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa lahat ng partners, donors, sponsors, at volunteers at nangangakong patuloy na maghahatid ng serbisyong totoo sa taong 2023.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.