GMA Kapuso Foundation, naghatid ng food packs sa Clarin, Misamis Occidental
December 29 2022
By MARAH RUIZ
Hatinggabi pa lang noong araw ng Pasko, December 25, walang tigil na ang pag-ulan sa Clarin, Misamis Occidental.
Dahil dito, tumaas ang tubig baha dala na rin ng pag-apaw ng ilog sa Brgy. Pan-ay.
Isa ang pamilya ni Sabina Dampas sa mga apektado ng pagbaha. Nadisgrasya pa ang kanyang tiyahin noong mismong araw ng Pasko.
"Hindi ako mapakali dahil sa mga batong parang nag-uumpukan. Kaya noong nangyari 'yun, lumabas ako. Pagtingin ko, nasa kalsada na ang tubig. Sabi ko 'Auntie, mga kaptibahay, ulan, baha,'" paggunita ni Sabina.
Na-wash out rin ang kanilang bahay na may dalawang palapag. Kusina na lang ang natira pang nakatayo dito.
"May bigas pa siya diyan, naanod, 30 sako," lahad ni Sabina.
Sa ngayong, tatlong araw na silang nananatili sa evacuation center.
"Para sa amin, ang hirap. Ngayong New Year, hindi namin alam kung makakaraos pa kami," aniya.
Para matulungan si Sabina at iba pang mga taong apektado ng malawakang pagbahang dala ng sama ng panahon, agad nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa munisipalidad ng Clarin, Misamis Occidental para maghandog ng food packs sa mga evacuees dito.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Philippine Army 1st Infantry Division, 102nd Infantry Brigade, 10th Infantry Battalion, 1st CMO Battalion; Champion, Rainphil inc., Casino; Maxvit; at Enervon.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus