GMA Kapuso Foundation, nakapagpatayo na ng unang 'Kapuso Tulay' sa Visayas | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ito rin ang ika-pitong "Kapuso Tulay" ng GMA Kapuso Foundation sa Pilipinas.

GMA Kapuso Foundation, nakapagpatayo na ng unang "Kapuso Tulay" sa Visayas

By MARAH RUIZ

Gawa sa pira-pirasong kahoy at kinakalawang na steel wire ang tulay ng mga residente ng Brgy. San Juan sa Sogod, Southern Leyte.

Winasak ng bagyong Odette ang tulay sa kanilang lugar kaya lalong nahirapan ang mga taga rito.

"Nakakatakot ang tulay namin kasi kapag umuulan madulas ang tabla," kuwento ni Kenji D. Dacera, isang estudyante.

Lumulusong naman sa rumaragasang ilog ang magkokopra na si Roberto Bongo habang pasan ang mga sako ng kopra na umaabot hanggang 60 to 70 kilos para madala ito sa bayan.

"'Yung ilog minsan lumalaki pa. Mapilay ka, 'yung paa mo matamaan pa ng bato. Mahirap talaga eh," paggunita ni Roberto sa panganib.

Bilang pamasko sa mga residente ng Brgy. San Juan sa Sogod, Souther Leyte, pinasinayaan na ng GMA Kapuso Foundation ang bago at kongkretong tulay na may habang 70 meters.

Ito ang unang Kapuso Tulay na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Visayas at ika-pito naman sa buong Pilipinas.

 

 

"Eksakto, halos isang taon matapos manalasa ang bagyong Odette, ito po ang Christmas gift ng GMA Network at GMA Kapuso Foundation sa mga tao ng Sogod, Southern Leyte, " pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa suporta ng B. Braun Medical Supplies Inc.; Allied Hospital Supply International Corporation; AFP Visayas Command, 8th Infantry Division, 802nd Infantry Brigade, 14th Infantry Battalion, 53rd Engineer Brigade, 546th Engineer Construction Battalion; Pacific Paint (Boysen) Philippines Inc.; Lotus Tools PH; at Equator Energy Corporation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.