December 22 2022
Mahilig tumulong sa iba si Editha Festejo, 67 years old mula sa Ternate, Cavite kahit siya mismo, may sarili ring mga pangangailangan.
"Palagi natin alalahanin, magbigayan, magmahalan at magpakumbaba palagi," pahayag ni Editha.
Mayroon siyang maliit na tindahan na bagamat halos walang laman at sira-sira ay nagiging takbuhan ng mga kapitbahay na kapos.
"Nakakaawa naman, walang makain, walang masaing. 'Ate wala kaming bigas.' Siyempre 'yung puso ko naman, parang hinihiwa," kuwento ni Editha.
Mahina na ang pandinig ni Editha at ang tanging libangan niya ay manood ng 24 oras at Magpakailanman ngunit sira na rin ang kanilang television set.
Dahil nalalapit na ang Pasko, sinuklian ng GMA Kapuso Foundation ang kabutihang loob ni Editha. Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang kanyang pandinig sa isang espesyalista.
"'Pag tayo, nagkaka-edad, at the age of 40 nagsisimula na, humihina ang ating pandinig. Ito ang tinatawag nating degenerative changes. Parang makina 'yan--habang tumatagal, humihina nang humihina," paliwanag ni Dr. Gil Vicente, ENT (ears, nose and throat) specialist.
Dahil dito, binigyan ng GMA Kapuso Foundation ng hearing aid si Editha.
Hinandugan din siya ng bagong telebisyon para malinaw niyang mapanood ang mga paborito niyang palabas
Bukod dito, inayos din ang kanyang tindahan kaya kumpeto na ang bubong nito at may matibay nang pundayson.
Nagbigay din ang GMA Kapuso Foundation ng grocery items at vitamins para sa kanya at kanyang pamilya.
"Sa totoo po, Ma'am Mel Tiangco, wala akong masabi sa ginawa mo sa akin. Maraming, maraming salamat sa GMA Kapuso Foundation. Love is us this Christmas," pasasalamat ni Editha.
Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ni Dr. Gil Vicente; Skyworth Philippines; One Step Test by Getein & Distributed by Mohs Analytics; B. Braun Medical Supplies Inc.; Philippine Army Reserve Command, Charlie Company, 402nd (Cavite) Ready Reserve Infantry Battalion, 402nd Community Defense Center, at 4th Regional Community Defense Group.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus