GMA Kapuso Foundation, namahagi ng roofing materials sa Quezon
December 15 2022
By MARAH RUIZ
Agad na nakapag hatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa General Nakar, Quezon noong tumama dito ang bagyong Karding.
Muling bumalik dito ang GMA Kapuso Foundation para magbahagi ng tulong.
Isang buwan matapos ang bagyo, tila walang ipinagbago ang sitwasyon ng mga residente ng Bgry. Umiray.
Nagtitiis pa rin ang marami sa barong-barong, tulad ni Mamerto Velasquez na anahaw, pinagtagpi-tagping lona and pansamantalang sinisulungan.
Poste na lang rin ang natira sa kanilang bahay at tuluyan nang tinangay ang kanilang bubong.
"Nawalan na po ng trabaho at 'yung bahay na muna ang inuuna ko. Dalawa pong bahay ang gingawa ko, [ito] at 'yung sa anak ko," paliwanag ni Mamerto.
Nakikitira naman muna sa kanilang mga kamag-anak si Diana Angeles at kanyang pamilya habang nag-iipon ng pampaayos ng kanilang bahay.
"Nong bagyuhan po kasi, kami lang pong mag-iina diyan. Hanggang sa dinaanan na nga po ng ipo-ipo 'yung aming bahay. Buntis pa naman po ako noon doon sa bunso ko," paggunita ni Diana.
Kabilang sina Mamerto at Diana sa mga hinatiran ng yero, kahoy, rubber mats at food packs ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Silong Kapuso Project.
"49 na po ang edad ko at ngayon lang kami magkaka yero," pasasalamat ni Mamerto.
"Hindi na po tutulo at yero na po 'yung binigay niyo sa amin kaya salamat po sa gma kapuso foundation. Mapalad po kami at kami po ay naabot niyo po dito," mensahe naman ni Diana.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang B. Braun Medical Supplies Inc.; One Step Test by Getein (Distributed by Mohs Analytics); Philippine Army 2nd Infantry Division, 202nd Infantry Brigade, 1st Infantry Battalion-Alpha Company, at 564th Engineer Construction Battalion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus