GMA Kapuso Foundation, nagmigay ng strollers at pediatric wheelchairs sa Juban, Sorsogon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Namigay ng strollers at pediatric wheelchairs ang GMA Kapuso Foundation sa mga batang may special needs sa Juban, Sorsogon.

GMA Kapuso Foundation, nagmigay ng strollers at pediatric wheelchairs sa Juban, Sorsogon

By MARAH RUIZ

Tuwing buwan ng Nobyembe, ipinadiriwang ang National Children's Month kung saan tinututukan ang kalusugan ng mga bata.

Bilang pakikiisa rito, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng strollers at pediatric wheelchairs sa 12 bata na may karamdaman at espesyal na pangangailangan sa Juban, Sorsogon.

Kabilang dito ang one-year-old na si Nigel na may kundisyong intussusception o 'yung pagdidikit ng bituka. Na-operahan na si Nigel at ngayon ay regular na gumagamit ng colostomy bag para dumumi.

Pinoproblema madalas ng kaniyang inang si Lorena Novora ang pambili ng colostomy bag. Kulang kasi ang kinikita ng kaniyang asawang karpintero.

"Pupunta ako [sa] mga kapitbahay ko, hihiram ako. Minsan hindi na kami kumakain basta may pamili lang siya ng bag," kuwento ni Lorena.

Kapag walang colostomy bag, diaper ang pansamantalang ginagamit ni Lorena. Naputulan din sila ng kuryente at tubig kaya lalong nahihirapan sa paglilinis ng bituka ni Nigel.

May sakit din ang isa pang anak ni Lorena na si Nick na hinihika naman tuwing gabi.

Bilang tulong, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng colostomy bags para kay Nigel at nebulizer naman para kay Nick.

"Thank you po na natulungan niyo po ako sa nebulizer, sa colostomy bag, sa mga grocery," lahad ni Lorena.

 

 

Bukod dito, naghandog din ang GMA Kapuso Foundation ng antigen kits, vitamins, at iba pang gamot sa rural health unit ng Juban, Sorsogon.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng B.Braun Medical Supplies Inc.; Philippine Army 9th Infantry Division, 31st Infantry Battalion; Regional Health Unit-Juban, Sorsogon; Europlay Distributor Company Inc.; New Marketlink Pharmaceutical; Nature'Z; RainPhil Inc.; at Champion.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.