GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,000 pamilya sa Antique | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation para sa 1,000 pamilyang apektado ng bagyong Paeng sa Patnongon, Antique.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,000 pamilya sa Antique

By MARAH RUIZ

Nakaranas ng kabi-kabilang landslide at flash flood ang mga residente ng Antique dahil sa bagyong Paeng. Ilang istruktura ang nasira at maraming bahay ang inanod ng baha.

Isa na rito ang bahay ni Herman Lo na mula sa bayan ng Patnongon.

"Wala na. Na-wash out na lahat. Pagbalik namin wala na. 'Di namin akalain na wala na lahat 'yung mga yero at saka 'yung bahay ko wala na," kuwento ni Herman.

Bukod sa kanyang tahanan, apektado pati kabuhayan niya.

"Masakit din. Wala na 'yung bahay mo, 'yung mga hayop mo, lahat inanod ng tubig," emosyonal na pahayag ni Herman.

Marami ring residente ng Patnongon ang nananatili pa rin sa evacuation centers dahil sa banta ng landslide.

Para matulungan sila, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods para sa 1,000 pamilya sa ilalim ng Operation Bayanihan.

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Mang Inasal; Scientific Biotech Specialties Inc.; AFP JTF-NCR; Philippine Army, 3rd Infantry Division, 301st Infantry Brigade, 61st Infantry Battalion, Reserve Command, 6th Regional Community Defense Group, 602nd Community Defense Group, 602nd Ready Reserve Infantry Battalion; at mga volunteers.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at GCash.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.