GMA Kapuso Foundation, nagturo ng tamang pagsisipilyo at paghuhugas ng kamay sa mga-aaral sa Quezon
October 20 2022
By MARAH RUIZ
Sa ilalim ng Linis Lusog Kapusong Kabataan project, nakapaghatid ang GMA Kapuso Foundation ng tulong sa mahigit 500 estudyante sa Tagkawayan, Quezon.
Kabilang dito ang magkapatid na Art at Rosie Garcia na araw-araw pumupunta sa isang ilog para magsipilyo bago sila pumasok sa paaralan.
Madalas silang nauubusan ng toothpaste kaya asin o kaya ay sabong panligo ang ginagamit nila. Mas prayordad kasi ang pagkain kaysa sa toothpaste kaya hindi na sila bumibili tuwing nauubos ito.
Wala namang iniindang sakit sa ngipin sina Art at Rosie pero hindi raw inirerekomenda ng mga eksperto ang panggamit ng sabong panligo sa pagsisipilyo.
"Hindi talaga namin ina-advise 'yan kasi ibang kemikal ang ginagamti. Unang-una, nakakalason 'yan 'pag hindi tama ang kemikal na fitted for toothbrushing. Mayroon kaming ina-advise na using toothpaste with fluoride," paliwanag ni Dr. James Olayvar, presidente ng Philippine Association of Private School Dentists.
Dagdag pa niyang nakakatulong naman daw ang asin.
"Ang asin po, sodium chloride, makakatulong din siya na makalinis," aniya.
Gayunpaman, nag-aalala siya na may makuhang impeksiyon ang mga bata sa 'di malinis na tubig mula sa ilog kung saan nagmumumog ang mga bata.
"Ina-advise namin na gumamit sila ng potable water kasi minsan nandoon 'yung infection dala ng mga bacteria na galing sa ilog," lahad ni Dr. Olayvar.
Bilang pakikiisa sa Global Handwashing Day noong October 15, magkatuwang ang GMA Kapuso Foundation at Philippine Association of Private School Dentists na nagturo ng wastong paghuhugas ng kamay at pagsisipilyo sa mga mag-aaral ng Tagkawayan, Quezon.
May free dental check-up at fluoride varnish application din para sa kanila.
Namahagi pa ang GMA Kapuso Foundation ng hygiene kits at food packs para sa kanila.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Philippine Association of Private School Dentists; Clean Nest Co.; Alcheon Medical Clinic and Diagnostic Laboratory; AFP JTF-NCR; Philippine Army, 2nd Infantry Division at 85th Infantry Battalion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus