GMA Kapuso Foundation, naghatid ng food packs, vitamins, at tubig sa Panukulan, Quezon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga apektado ng bagyong Karding sa Panukulan, Quezon.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng food packs, vitamins, at tubig sa Panukulan, Quezon

By MARAH RUIZ

Nasirang mga palayan at bangka ang iniwan ng bagyong Karding matapos nitong tumama sa Panukulan, Quezon.

Apektado ang pangunahing kabuhayan ng marami, tulad na lang ng pamilya ni Rosalie Lucenio mula sa Brgy. Rizal.  

"Ako'y napaluha at sabi ko nga po ito na lamang ang aming inaaasahan, wala na. Nakikisama na lang 'yung mister ko paglaot sa iba," bahagi ni Rosalie.  

Nasalanta rin ang dapat sanay aanihing palay ng magsasakang si Calsado Ungriano ng Brgy. Libo.

"Talagang magandang maganda 'yung aming mga palay po at 'yan po ay kumpleto ng abono. Sa isang idlap po'y bigla pong nagkaganito. Talaga pong lungkot na lungkot po ang buong pamayanan po ng Libo," kuwento ni Calsado.

Ang bahay naman ni Mon Alver Sinag, sira pa rin.

"Ito po, hindi ko pa po maupisahan dahil unang una, wala nga rin po sa pinansiyal. Walang pampagawa kaya inuutay-utay ko na lang po 'yung maaari kong mapakinabangan, maaari kong itayo para mabuo lang po," ani Alver.

Sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan sa Panukulan, Quezon, tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa mga coastal barangay tulad ng Rizal at Libo lulan ng bangka para maghatid ng food packs, vitamins, at tubig para sa 6,000 indibidwal doon.

Kasama sa ipinamahagi ang 200 sakong bigas mula sa donation ni international boxing champ Floyd Mayweather Jr. para sa Frontrow Cares.

"I'm able to help. We care about people. People from all walks of life need a little help so if I can do it, I'm here to help," mensahe ng sikat na boksingero.

 

Operation Bayanihan

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakikiisa sa Operation Bayanihan ng Purefoods; Mega Sardines; Universal Robina corporation; Le Minerale; AFP JTF-NCR; Philippine Army 2nd Infantry Divison, 1st Infantry Battalion; Philippine Coast Guard-Infanta, Quezon; DSWD-Panukulan, Quezon; at PNP-Panukulan, Quezon.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMay5a, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.