GMA Kapuso Foundation, nagsagawa ng pangalawang bugso ng relief operation sa Quezon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Bumalik ang GMA Kapuso Foundation sa Quezon para muling maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyong Karding...  

GMA Kapuso Foundation, nagsagawa ng pangalawang bugso ng relief operation sa Quezon

By MARAH RUIZ

Bakas pa rin ang pinasala ng bagyong Karding sa Panukulan, Quezon.

Pagkokopra ang kabuhayan ng maraming residente sa Brgy. Bonbon, pero nasira ng bagyo ang mga puno at koprahan.

Nagtitiyaga sa pagpupulot ng nalaglag na niyog para ibenta si Jayson Tena. Dalawa hanggang tatlong taon daw kasi bago mamunga muli ang mga puno.

"Nabuhal, kung hindi naman po nabuhal, wala na pong dahon. Masakit po talaga dahil wala na pong ibang pagkakakitaan," kuwento ni Jayson.

Ginawa naman bubong ni Sandy Garcia ang mga putol na dahon ng niyog.

"'Yung mga nasirang dahon ng niyog, aming hinakot para maging tirahan. Talaga namang 'pag maulan wala kaming sisilungan kaya ganyan ang aming diskarte," lahad ni Sandy.

Nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa Panukalan, Quezon para sa ikalawang bugso ng Operation Bayanihan para sa mga nasalanta ng bagyong Karding.

Ang Panukalan ay isa sa mga bayang bumbuuo sa Polillo Group of Islands.

Sakay ng bangka, inihatid ng GMA Kapuso Foundation dito ang food packs at vitamins para sa mahigit 1,000 indibiwal sa Brgy. Bonbon, isang coastal barangay na matinding pinadapa ng bagyong Karding.

Bukod dito, nagbigay rin ang GMA Kapuso Foundation ng gamot sa Panukalan Rural Health Unit.
 

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Universal Robina Corporation; Accesspoint International Trading Corp.; Mega Sardines; AFP JTF-NCR; Philippine Army 2nd Infantry Division, 1st Infantry Battalion; Philippine Coast Guard-Infanta, Quezon; DWSD-Panukalan, at Quezon; PNP-Panukalan, Quezon.

"Kami ay, kahit na ganito, nakakangiti dahil inabot ninyo kami. Narating ninyo itong aming lugar. 'Yung aming sitwasyon ay inyong nakita," pasasalamat ni Sandy.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.


Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.