GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mahigit 3,000 residente sa Quezon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mahigit 3,000 residenteng apektado ng bagyong Karding sa Polillo, Quezon.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mahigit 3,000 residente sa Quezon

By MARAH RUIZ

Maraming mga tahanan ang sinira ng bagyong Karding sa Brgy. Salipsip sa Polillo, Quezon.

Isa na rito ang tahanan ng 62-year-old na si Melinda Acosta na tumagilid dahil sa lakas ng bagyo.

"Malakas po talaga ang bagyo kaya po kami ay lumipat, baka po kami ay maanod. Ang mahirap po, kami ay walang tinulugan," paggunita niya.

Hindi rin daw niya makakalimutan ang taas ng tubig na nagpalubog sa kanilang lugar.

"Sobrang mataas po at nagsalubong po ang dagat at ilog," paliwanag niya.

Kahit nasira ang bahay at nabasa na ang lahat ng gamit, hindi pa rin maiwan ni Melinda ang bahay na ipinundar niya.

Nawalan ng kabuhayan ang ibang residente tulad ni Gerry Azul na nagkakarga ng niyog gamit ang kanyang kabayo.

Ilang magsasaka sa kanilang lugar, hindi pa nakakabangon mula sa pinsala ng bagyong Ulysses noong 2020.

"'Pag nasisira ang aming mga puno tulad noong nakaraang Ulysses, marami dito naghirap. Masakit sa amin gawa ng iyon lang ang pinagkakabuhayan ng mga taga rito sa Polillo. Kung mga ilan taon na 'yan makaka-recover, saka lang uli kikita ng maganda ang mga taga rito," ani Gerry.

 

 

 


Bilang tulong sa mga residente rito, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng food packs at tubig sa apat sa barangay sa Polillo, Quezon sa ilalaim ng Operation Bayanihan.

Mahigit 3,000 residente ang nabigyan ng tulong dito.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikisa ng Virgin Works Virgin Coconut Oil; AFP JTF-NCR; Philippine Army 2nd Infantry Division, 1st Infantry Battalion; MDRRMC Bordeos, at LGU of Polillo.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.