GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,000 pamilya sa Bulacan
October 03 2022
By MARAH RUIZ
Hanggang ngayon, may mga bahay pa rin sa Brgy. Mandile sa San Miguel, Bulacan na lubog sa tubig bahang dulot ng bagyong Karding.
Ang bahay ni Maritess Punzalan, hanggang tuhod pa rin ang tubig baha.
"Mahangin po. Hindi namin alam 'yung mangyayari sa buhay natin, siyempre 'yung kaba, 'yung pag-aalala mo sa pamilya, hindi mo alam kung mabubuhay ka pa o ano na ang mangyayari. Sa awa naman ng Diyos, lahat kami ritong mga kaptibahay, mga pamilya namin, wala namang nasaktan," emosyonal na paggunita ni Maritess sa naranasan noong kasagsagan ng bagyo.
Bukod sa malakas na hangin at ulan, hinarap din nila ang rumaragasang baha na umabot lampas tao.
Dahil dito, lima mula sa Bulacan rescuers ang nasawi matapos lamunin ng tubig ang kanilang bangka nang bumagsak ang isang pader sa gitna ng isinasagawa nilang rescue operation.
Ang bahay naman ni Miguel Istogoy, inabot hanggang ikalawang palapag ang baha.
"'Yung tubig po wala pang diyes minutos, ang tubig po kaagad hangang dito [sa itaas ng pinto]. Doon po sa labas ng bahay ko, medyo sa taas, hanggang lagpas tuhod. Ang hangin, napakalakas. Halos nagliliparan ang mga yero dito sa amin," kuwento niya.
Kaya sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan sa Brgy. Mandile at Brgy. Bagong Silang, San Miguel, Bulacan, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng relief goods at vitamins para sa 1,000 pamilya.
"Maraming maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation. Natanggap na po namin 'yung relief. Napakalaking tulong po nitong binigay ninyo po sa amin," mensahe ni Maritess.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Eagle Cement Corporation; AFP, JTF-NCR NOLCOM; Philippine Army 7th Infantry Division, 70th Infantry Battalion; at MaxVit.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus