GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 4,000 indibidwal sa Quezon
September 30 2022
By MARAH RUIZ
Winasak ng bagyong Karding ang naipundar na tahanan ni Edwin de Guia noong tumama ito sa Brgy. Umiray, General Nakar sa Quezon.
Dalawang oras nagtago sa ilalim ng mesa ang pamilya niya, kasama ang isa pang mag-anak noong kasagsagan ng bagyo.
"Kalahating oras po, ang lakas. Halos nga po ang bahay namin na nakatali na, hindi po kinaya dahil talagang ang lakas ng panahon. Inangat lang po talaga ng ipo-ipo ito. Kitang kita ko po talaga na tinataas 'yung bahay namin," paggunita niya.
Flooring na lang ang naiwan sa kanilang bahay at pinadapa rin ng bagyo ang pananim nilang palay.
"Hindi naman po habang panahon na ganito, laging may bagyo. Babangon muli po kami. Bagong umpisa uli para kami magkaroon uli ng panibagong bahay," lahad ni Edwin.
Bukod sa mga tahanan, nasira rin ng bagyong Karding ang mga paaralan sa lugar at pinabagsak ang mga puno ng niyog sa Brgy. Umiray.
Para makarating doon, lumipad ang GMA Kapuso Foundation katuwang ng Philippine Army. Sakay din ng chopper ng Philippine Air Force ang food packs para sa 4,000 indibidwal dito.
Ang GMA Kapuso Foundation ang unang NGO na nakapaghatid ng tulong sa lugar.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa Operation Bayanihan ng Purefoods; Mega Sardines; Philippine Army 2nd Infantry Division, 1st Infrantry Battalion; at Philippine Air Force.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus