GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,000 pamilya sa Dingalan, Aurora
September 28 2022
By MARAH RUIZ
Nagdulot ng matinding pinsala sa mga kabahayan sa Dingalan, Aurora ang super typhoon Karding.
Ang bahay ng residente na si Zenaida Callumat, nadaganan ng puno at nilipad pa ang yero.
Hindi pa sila lubos na nakakabangon mula sa pananalasa ng bagyong Ulysses noong 2020 at ngayon ay may panibagong dagok na naman sa kanilang buhay.
"Napakahirap kasi unang una, iisipin mo 'yung paano 'yung kinabukasan. Paano bukas? Lahat po ng gamit namin, basa. Hindi naman alam kung saan kami kukuha ng kakainin namin," pahayag ni Zenaida.
Marami pa ring mga natumbang puno at putok na mga cable na nakahambalang sa kalsada. Tumataas din ang tubig sa ilong na dinadaanan ng mga sasakyan.
Hindi naging hadlang ang mga ito para makarating ang GMA Kapuso Foundation sa liblib na Barangay Umiray na isa sa mga napuruhan ng bagyo sa Dingalan, Aurora.
Naghatid ang GMA Kapuso Foundation dito ng relief goods at vitamins para sa 1,000 pamilya sa ilalim ng Operation Bayanihan.
"Marami pong salamat sa GMA Kapuso Foundation sa biyayang bingigay po sa amin," pahayag ni Zenaida.
Nagbigay din ang GMA Kapuso Foundation ng gamot sa rural health unit ng Dingalan para mapanatili ang kalusugan ng mge residente.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng MaxVit; Sogo Cares by Hotel Sogo; AFP NOLCOM, JTF-NCR; Philippine Army 7th Infantry Division, at 91st infantry Battalion.
Namamahagi na rin ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa Polillo Island sa Quezon.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus