GMA Kapuso Foundation, nagtungo na sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Karding | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Isang araw matapos ang bagyo, agad namahagi ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa iba't ibang lugar sa Pilipinas na tinamaan ng bagyong Karding.

GMA Kapuso Foundation, nagtungo na sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Karding

By AARON BRENNT EUSEBIO

Mabilis ang naging aksyon ng GMA Kapuso Foundation sa pamamahagi ng iba't ibang klase ng tulong sa mga apektado ng hagupit ng bagyong Karding sa ilang lalawigan sa Pilipinas.

Bago pa man tumama ang bagyong Karding sa Luzon, inihanda na ng GMA Kapuso Foundation ang mga sako-sakong relief goods na agad nilang naipamahagi sa mga nasalanta.

Kahapon, September 26, namahagi na agad ng food packs at vitamins ang GMA Kapuso Foundation sa mga nasalanta ng bagyo sa bayan ng General Nakar sa Quezon.

Isa sa mga nakatanggap ng tulong ay si Aling Ludema na hanggang kahapon ay nangangamba pa rin sa naging epekto ng bagyong Karding.

Pahayag niya, "Hindi na lang ako nag-iinom, e, at ako ay nanghihina na ang loob, at ako'y may nerbiyos, at ako'y natatakot na. Ang aming mga bubong ay naalis, bumabaklas, kaya po tulu-tuluan na ang loob ng aming bahay."

Bukod sa pamamahagi ng relief goods sa General Nakar, nagkaroon din ng feeding program ang GMA Kapuso Foundation sa mga evacuation center sa mga bayan ng Obando sa Bulacan at sa Quezon City.

Ngayong araw, nakatakdang mamahagi relief goods ang GMA Kapuso Foundation sa bayan ng Infanta sa Quezon. Papunta na rin ang iba't ibang team ng Kapuso Foundation sa mga bayan ng Dingalan at Baler sa Aurora, at sa Polilio Island sa Quezon.

Kahapon ng umaga, tumulong naman ang ibang Sparkle artists sa paghahanda ng iba pang relief goods na nakatakdang dalhin sa iba pang probinsya na tinamaan ng bagyong Karding.

"Mahalaga sa mga panahon ng mga bagyo, mga kalamidad tulad nito na magtulong-tulong tayong lahat mga Pilipinas kahit in our own little ways. Ang pagtulong naman hindi lang naman basta financial 'yan. Bukod sa mga binibigay mo, pwede ka rin mismo mag-volunteer," saad ni Martin Del Rosario.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.